Ang salawikain o proverbs ay bahagi ng kasabihan o saying na nagmula sa mga payo o pahayag ng matatanda ayon sa sarili nilang mga karanasan o nagmula pa sa kanilang mga ninuno.
Ito ay mga maiiksing pangungusap na lubhang makahulugan upang magsilbing gabay sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Pinagkaiba ng salawikain at sawikain
- Ang salawikain ay proverb sa Ingles, habang ang sawikain naman ay slogan.
- Ang salawikain ay maaari ring tawaging pilosopiya ng ating bansa, habang ang sawikain ay maaaring mga idyoma.
Ang salawikain ay isang maikling payo tungkol sa isang kaugalian o pagpapahayag ng isang paniniwala na sinasang-ayunan ng karamihan, habang ang sawikain ay isang parirala na hindi agad mauunawaan dahil hindi literal ang ibig sabihin ng mga ito.
Ang mga salawikain sa Pilipinas ay batay sa mga pamumuhay, pilosopiya, karunungan at kalinangan ng mga katutubong Pilipino. Ito rin ay sumasalamin sa kultura ng mga Pilipino kaya naman maaari rin itong tawaging katuruan o pilosopiya ng Pilipinas. Sinasabi na ang paggamit ng salawikain sa pakikipag-usap ay nangangahulugan na ang nagsasalita ay nagbibigay diin sa isang kaisipan o punto. Bilang mga pananalita ng mga ninuno na naisalin at naipasa ng iba’t ibang henerasyon, nilalarawan ang salawikain bilang isang palamuti sa wika lalo na sa wikang Filipino.
Kadalasan ay naililito ang karamihan sa pagitan ng salawikain at sawikain. Dahil dito, narito ang ilang gabay upang malaman ang kaibahan nito sa isa’t isa.
Mga halimbawa ng salawikain/kasabihan
Salawikain tungkol sa edukasyon
- Ang isip ay parang itak, sa hasa tumatalas.
- Ang taong mapagtanong, daig ang marunong.
- Ang karunungan ay kayamanang walang taong makapagnanakaw.
Salawikain tungkol sa kabataan
- Ang batang matigas ang ulo ay mahirap matuto.
- Buntong-hiningang malalim, malayo ang nararating.
Salawikain tungkol sa kaibigan
- Walang paku-pakundangan, sa tunay na kaibigan.
- Kapag tunay ang anyaya, sinasamahan ng hila.
- Ang tunay mong kaibigan, nasusubok sa gipitan.
- Matabang man ang paninda, matamis naman ang anyaya.
Salawikain tungkol sa buhay
- Ang hindi lumingon sa pinanggalingan hindi makakarating sa paruruonan
- Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
- Madali ang maging tao, mahirap magpakatao.
- Ako ang nagbayo at nagsaing subali’t nang maluto’y iba ang kumain.
- Aanhin mo ang palasyo, kung ang nakatira ay kuwago. Mabuti pa ang bahay kubo, ang nakatira ay tao.
Salawikain tungkol sa pag-ibig
- Ang pagsintang labis na makapangyarihan, pag ikaw ay pumasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.
- Batang puso, madaling marahuyo.
- Ang pag-aasawa ay hindi biro, hindi tulad ng kanin mailuluwa kung mapaso.
- Pagkahaba-haba man ng prusisyon sa simbahan din ang tuloy.
- Walang matiyagang lalake, sa pihikang babae.