Ang tayutay, o figures of speech sa wikang Ingles, ay ang mga salitang ginagamit upang gawing makulay, matalinhaga, kaakit-akit, at mabisa ang isang pahayag.
Ano ang mga uri at halimbawa ng tayutay?
A. Pag-uugnay o paghahambing
1. Simili o Pagtutulad (Simile)
Ito ay nagpapakita ng pagtutulad ng dalawang magkaibang bagay sa pamamagitan ng paggamit ng mga katagang tila, kagaya, kasing-, sing-, ga-, katulad, anaki’y, animo, para, parang, para ng, kawangis ng, gaya ng, at iba pang mga kauring kataga.
Halimbawa ng simili:
Siya ay katulad ng kanyang amang mapagpatawad.
2. Metapora o Pagwawangis (Metaphor)
Ito ay tiyak na paghahambing ngunit hindi na ginagamitan ng pangatnig ginagamitan ng mga katagang kagaya, katulad at mga kauri.
Halimbawa ng metapora o pagwawangis:
Ang mga mata ni Oscar ay bituing nagniningning sa kalangitan.
3. Pagpapalit-saklaw (Synecdoche)
Ito ay nagbabaggit sa isang bahagi o konsepto ng kaisipan upang tukuyin ang kabuuan. Maaari rin na ang kabuuan ay katapat ng isang bahagi.
Halimbawa ng pagpapalit-saklaw:
Libu-libong tao ang umaasa sayo.
B. Paglalarawan
1. Pagmamalabis o Eksaherasyon (Hyperbole)
Ito ay lubhang pinapalabis o pinapakulang ang kalagayan o katayuan ng isang tao, bagay, pangyayari, kaisipan, damdamin at iba pang katangian. Ito rin ay gumagamit ng eksaherasyon.
Halimbawa ng pagmamalabis:
Nagliliyab sa galit si Jose dahil sa napaslang nitong kalabaw.
2. Apostrope o Pagtawag (Apostrophe)
Ito ay ang pakikipag-usap sa isang karaniwang bagay na para bang ito ay isang buhay na tao na malayo o naroon at kaharap gayong wala naman.
Halimbawa ng apostrope:
Ulan, kami ay lubayan ngayong araw.
3. Eksklamasyon o Pagdaramdam (Exclamation)
Ito ay isang papahayag o paglalabas ng matinding damdamin.
Halimbawa ng pagdaramdam:
Isa kang salot sa ating lipunan!
4. Paradoks o Paradoha (Paradox)
Ito ay ang paglalahad ng pagsalungat sa karaniwan na kalagayan o pangyayari ngunit kung masusing iisipin ay nagpapahayag ito ng katotohanan.
Halimbawa ng paradoha:
Kung sino pa ang matanda ay siya pang parang bata.
5. Oksimoron o Pagtatambis (Oxymoron)
Ito ay nagtataglay ng mga salitang nagsasalungatan upang lalong mapatingkad o mapansin ang bisa ng pagpapahayag.
Halimbawa ng pagtatambis:
Ang batang malungkot ay sumaya nang makita ang kanyang magulang.
C. Pagsasalin ng katangian
1. Personipikasyon o Pagsasatao (Personification)
Ito ay ginagamit upang bigyang-buhay ang mga bagay sa pamamagitan ng mga salitang nagsasaad ng kilos.
Halimbawa ng pagsasatao:
Lumuluha nanaman ang mga ulap.
D. Pagsasatunog
1. Panghihimig o Onomatopeya (Onomatopoeia)
Ito ang pagpapahiwatig ng mga kahulugan gamit ang tunog o himig ng mga salita.
Halimbawa ng paghihimig:
Dumagundong sa buong gusali ang lakas ng kulog kagabi.
2. Aliterasyon o Pag-uulit (Alliteration)
Ito ay ang pag-uulit ng mga salita o parirala upang bigyang-diin ang isang pahayag.
Halimbawa ng pag-uulit:
Malaya na ang Pilipinas! Malaya laban sa mga umaalipusta. Malaya sa mga kadenang gumagapos.