Mga Pambansang Sagisag ng Pilipinas

|

MGA PAMBANSANG
SAGISAG NG PILIPINAS

PAMBANSANG AWIT

LUPANG HINIRANG

Ang Lupang Hinirang ay unang ipinatugtog noong ika-12 ng Hunyo bilang pagpapahayag ng araw ng kalayaan sa Pilipinas. Pinagawa ni Aguinaldo si Julian Felipe, isang kompositor sa Cavite, na gumawa ng komposisyon na kanyang pinamagatang Marcha Filipina Magdalo. 

PAMBANSANG BULAKLAK

SAMPAGUITA

Ang sampaguita ay sumisimbolo rin sa katapatan, debosyon, lakas at dedikasyon. Madalas itong ginagamit na palamuti sa buhok. Taon-taon ay ginaganap ang Sampaguita Festival sa bayan ng San Pedro, Laguna

PAMBANSANG PUNO

NARRA

Ang puno ng narra ay tinaguriang pambansang puno dahil sa tibay at tatag ng kahoy nito. Ang dahon, ugat, at balat naman ng troso ng narra ay maaari ring magamit na halamang gamot.

PAMBANSANG HIYAS

PHILIPPINE PEARL

Ang Philippine Pearl ay isang katangi-tanging parte ng kultura ng bansa. Ang Pilipinas ay isa sa mga nangungunang bansa na may produktong perlas sa buong mundo. Dito rin natuklasan ang pinakamalaking perlas na kinikilalang “Pearl of Allah” o “Pearl of Lao Tze”.

PAMBANSANG BANGKA

BALANGAY

Ang mga Pilipino noon ay nakatira malapit sa mga baybayin at ilog kaya naman ginagamit nila ang balangay upang mangisda, makipagkalakalan, at maglakbay. Unang nabanggit ang salitang “Balanghai” o “Balangay” noong 16th century sa Chronicles of Pigafetta. Kinikilala ang balangay bilang ang pinakamatandang Pre-Hispanic na sasakyang pantubig sa Pilipinas. 

PAMBANSANG PALAKASAN (SPORT)

ARNIS

Ang arnis ay tinaguriang National Sport at Martial Arts sa bansa. Ang larangang ito ay kilala sa pakikipaglaban gamit ang arnis (stick) o matalim na armas. Ito rin ay tinatawag na Kali o Eskrima.

PAMBANSANG IBON

PHILIPPINE EAGLE

Ang Philippine Eagle ay kilala rin bilang monkey-eating eagle. Isa ito sa pinakamalakas at hindi pangkaraniwang ibon sa buong mundo. Ang sinumang pumatay sa Philippine eagle ay maaaring makulong ng hanggang 12 taon.

HINDI OPISYAL NA PAMBANSANG SAGISAG

Ang listahang ito ay mga iminungkahing pambansang sagisag ni Congressman Rene Relampagos as per House Bill 3926. Pinaniniwalaan ang karamihan dito na Pambansang Sagisag, ngunit hindi pa ito naisasakatuparan ng batas ng Pilipinas.

PAMBANSANG PAGKAIN

ADOBO

Ang adobo ay isa sa kadalasang ulam ng Pilipino. Ang pangunahing sangkap nito ay maaaring laman ng baboy o di kaya’y manok. Alamin ang isang masarap na paraan ng pagluto ng Adobo

PAMBANSANG DAHON

ANAHAW

Ang anahaw ay kilalang gamit sa pag gawa ng sapin sa bahay, pamaypay, o pambalot ng pagkain. Kung minsan ay tinatawag din itong luyong.

PAMBANSANG SAPATOS

BAKYA

Ang sapin sa paa o sapatos na ito ay gawa sa magaan na kahoy mula sa santol o laniti. Kung minsan, ang takong nito ay makapal kaya naman ang iba ay umuukit ng iba’t ibang disenyo tulad ng bulaklak at mga halaman.

PAMBANSANG ISDA

BANGUS

Tinaguriang pambansang isda ang bangus dahil sa dami nito sa bansa. Mabuto ang mga bangus ngunit ito naman ay masustansya sa protina at Omega 3 at mababa sa taba. May mga ilan ring nagsasabi na mas masarap ang mga maliliit na bangus kumpara sa malalaki. 

PAMBANSANG KASUOTAN (BABAE)

BARO'T SAYA

Ang baro’t saya ay kadalasang gawa sa pinya ngunit may ilan ding  gumagamit ng ibang materyales sa pag gawa nito. Ang mga kababaihan sa Pilipinas noong Spanish era ay nagsusuot ng palda na ang tawag ay saya at blusa na ang tawag ay baro.

PAMBANSANG KASUOTAN (LALAKI)

BARONG TAGALOG

Ang barong tagalog ay pormal na kasuotan na gawa sa pinya at may mga disenyo na ibinurda. Madalas itong gamit sa pormal na pagdiriwang gaya ng kasal.

PAMBANSANG KANTA

"BAYAN KO"

Ang bayan ko ay isa sa mga kilalang makabayang kanta sa Pilipinas. Ang orihinal nito ay galing pa sa isang Espanyol at isinalin sa Tagalog ni José Corazón de Jesús. Narito ang liriko ng kantang Bayan Ko.

PAMBANSANG HAYOP

KALABAW

Ang kalabaw ay karaniwang nabubuhay ng 18 hanggang 20 taon. Maaari ring umabot hanggang 800 kilo ang kanilang mga timbang. Itim ang karaniwang kulay ng kanilang mga balat at parehong may sungay ang babae’t lalaking kalabaw. 

PAMBANSANG SAYAW

CARIÑOSA

Ang Cariñosa ay nagmula sa mga Kastila kung saan mahiyain ang katangian ng babaeng sumasayaw. Sinasabi na kumakatawan ang pagiging mahiyain sa kaugalian noon ng mga kababaihan sa Pilipinas. Sa pagsayaw ng cariñosa, ang lalaki at babae ay sasayaw ng may pagkakahawig sa sayaw na waltz. Isang sayaw na panliligaw ang cariñosa at mapapansing mayroong hawak na pamaypay o panyo.

PAMBANSANG SASAKYAN

JEEPNEY

Isang kilalang pampublikong trasportasyon sa bansa at isang malaking simbolo sa ating kultura nag mga jeep. Nagsimula ang paggawa ng mga jeepney dahil sa mga tira-tirang US military jeeps noong World War II. Binago ng mga Filipino ang disenyo nito upang mas madaming pasahero ang makasakay. Ang salitang jeepney ay pinaniniwalaang nagmula sa salitang “jeep” at “knee” dahil sa pagdidikit ng mga tuhod ng mga pasahero upang magkasya sa sasakyan.

PAMBANSANG PRUTAS

MANGGA

Mayroong iba’t ibang klase ng mangga sa bansa tulad ng Kalabaw, Pico, Indian, at Apple. Mahilig ang mga Pilipino kumain ng tinatawag na “manggang hilaw” na madalas na isinasawsaw sa asin at bagoong.

PAMBANSANG TIRAHAN

BAHAY KUBO

Ang bahay-kubo ang mga tirahan ng mga katutubong o naunang Pilipino bago pa dumating ang mga Espanyol. Kadalasan ay gawa ito sa dahon ng niyog at mga kawayan. Ito ay idinisenyo para kayanin ang klima ng bansa.

IBA PANG PINANINIWALAANG PAMBANSANG SAGISAG

Ang mga nabanggit sa ibaba ay mga kadalasang kinikilala ring Pambansang Sagisag ng Pilipinas.

PAMBANSANG KATAUHAN/PANGALAN

JUAN DELA CRUZ

PAMBANSANG PAGKAIN

LECHON/SINIGANG

PAMBANSANG LARO

SIPA

PAMBANSANG SAYAW

TINIKLING

+1
0
+1
0
+1
1
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0
Follow by Email