Ang maikling kwento ay isang anyo ng panitikan na nagtataglay ng maikling sanaysay tungkol sa isang mahalagang pangyayari na bunga ng isang maikling guni-guni o kathang-isip ng may-akda.
Ito ay maaaring batay sa imahinasyon o sa sariling karanasan ng sumulat na nag-iiwan ng impresyon sa mga bumabasa o nakikinig sa kwento.
Karamihan sa mga maiikling kwento ay maaaring mabasa at matapos sa loob ng iisang upuan lamang.
Ano ang mga elemento ng maikling kwento?
Tauhan – dito malalaman kung sino-sino ang mga gaganap sa kwento at kung ano ang mga papel na gagawin ng bawat isa.
Tagpuan o Panahon – dito naman nakasaad ang pinangyarihan ng kwento at kung saan at kailan ginanap ito.
Saglit na Kasiglahan – inihahanda sa bahaging ito ang mga mambabasa sa mga susunod na pagsubok na haharapin ng mga tauhan.
Suliranin o Tunggalian – ito ay tumutukoy sa problemang haharapin ng pangunahing tauhan laban sa sumasalungat sa kanya.
Kasukdulan – ito ang pinakamadulang bahagi ng maikling kwento dahil ito ang pinakamataas na uri ng kapanabikan. Mababasa dito kung magwawagi o mabibigo ba ang pangunahing tauhan sa kanyang ipinaglalaban.
Kakalasan – ito ang bahagi kung saan makikita ang kinalabasan ng paglalaban. Sumusunod ito palagi matapos ang kasukdulan.
Wakas – ito ay ang katapusan ng binasang kwento.
Paksang Diwa – ito ang mensaheng inilalahad ng isang maikling kwento.