Noong unang panahon, sa isang bayan ay may taong mga naninirahan na sunod-sunuran sa kanilang pinuno dahil sa takot na lumabag sa umiiral na batas roon. Ang pinunong si Abed ay bumibisita sa kanyang mga tauhan upang alamin kung sino ang mga higit na nangangailangan. Nang mapansin ni Subekat na lumilibot araw-araw ang pinunong si Abed upang mamigay ng pagkain sa mga naghihirap ay kaagad syang kumuha ng bato at isinalang sa kalan. Nang marating ni Abed ang kubo, binati siya ni Subekat. Nakita niya ang kaldero na may nilagang bato. Nang mapansin niya ito, sinabihan niya si Subekat na kunin kinaumagahan ang kanyang parte na nakalaan para sa kanya.
Isang araw, nagtipon ang mga tao upang magdasal ng dhubor (pantanghaling pagdarasal). Nang makatapos sila ay nagtanong si Abed kung sino ang wala sa kanyang mga tauhan. May nakapagsabi na si Subekat ang wala. Samantala, ipinaalam ni Abed sa mga tao na aalis sila para magsuri ng lupa dahil kakaunti na lamang ang lupa para sa susunod na henerasyon. Nang papaalis na sila ay sya namang pagdating ni Subekat. Nagpahayag si Subekat ng kagustuhang sumama sa pag-alis. Pinayagan ni Abed na sumama si Subekat kahit na hindi niya siya nakita sa pagdarasal. Sa pag-alis nilang ito ay matatanto ni Abed kung tunay ba na kasama si Subekat o hindi.
Sa pag-alis ng pangkat, sinabi ni Abed na kailangang magdala ang bawat isa ng bato na tamang-tama lang ang bigat para sa kanila. Nagdala si Subekat ng batong sinlaki lang ng kanyang hinlalaking daliri. Nang mapagod na sila sa kanilang paglalakbay ay minabuti nilang magpahinga at magdasal. Hindi pa rin sumali si Subekat sa kanyang mga kasamahan.
Pagkatapos magdasal ay ipinag-utos ni Abed na buksan ng kanyang mga tauhan ang kanilang baon. Nang mabuksan na nila, ang lahat ng dala nilang bato ay naging tinapay. Bukod tanging si Subekat na ang dala ay sinlaki lamang ng hinlalaki ang nagutom dahil sa liit ng kanyang tinapay.
Bago sila magpatuloy sa kanilang paglalakbay, sinabihan muli ni Abed ang kanyang mga kasama na magdala ng maliit na bato. Sumunod ang lahat ng mga tao, maliban kay Subekat na ang dinalang bato ay ang pinakamalaki sa pag-aakalang magiging tinapay ito. Nang dumating na sila sa kanilang pupuntahan, sinabi ni Abed sa bawat isa sa kanila na ihagis sa abot ng kanilang makakaya ang mga batong dala nila dahil ito na rin ang lawak ng lupang matatamo ng kanyang mga nasasakupan. Samantala, si Subekat na nagdala ng pinakamalaking bato ay sinlaki lamang ng bilao ang nakuhang lupa. Ito ay sa kadahilanang sobrang bigat ng bato at hindi nya kayang ihagis ng malayo. Doon lamang sa nahulugan ng bato ang kanyang makukuhang lupa.
Nalungkot si Subekat sa kanyang makukuhang lupa. Nang makita ni Abed ang liit ng kanyang nakuhang lupa ay sinabi niya kay Subekat na nangyari iyon dahil sa hindi ito sumusunod sa mga patakaran at sa ganitong pag-uugali ay hindi sya magkakaroon ng magandang kinabukasan.
Â