4 Tula tungkol sa Pangarap

|

Ang pangarap ay mga ambisyon o mithiin na nais nating makamit. Basahin ang mga halimbawa ng tula tunkol sa pangarap sa ibaba.

Kung nais mong magsumite ng sarili mong tula tungkol sa pangarap, makipag-ugnayan sa amin dito.

Buntong Hininga

 Ako’y nagtataka!  Aywan ko kung bakit

nagbabago yaring damdamin ko’t isip,

ganyan na nga yata sa silong ng langit

ang gawang mamuhay sa laot ng hapis.

Aywan ko kung bakit!  Sa aki’y pumanaw

ang lahat ng tamis nitong kabuhayan,

sa aki’y nag-iba ang lahat ng kulay,

sa aki’y pag-api ang lahat ng bagay!…

Talaga nga yatang balot ng hiwaga,

balot ng pangarap at pagdadalita

ang palad ng tao kung magkabisala!

Pawang agam-agam ang laman ng lupa…!

Walang kilos na di paghamak sa akin,

walang bagay na di anyaya ng lagim,

walang dulot na di sa aking paningi’y

aninong malungkot ng mga hilahil.

  Aywan ko kung bakit nagbago ang lahat

sa kabuhayan ko’t matimtimang palad;

Samantalang ako’y inaalapaap

ay masasabi kong: ¡Lahat ay pangarap!…

Ako

  Puso ko’y malungkot!  Malungkot na tila

Ibong walang laya’t lagas na sampaga,

Sa pasan-pasan kong mabigat na sala’y

Lason at patalim ang magpapabawa.

  Ang ayos ng mundo ay isang kabaong,

Nagtayong kalansay ang puno ng kahoy,

Dila ng halimaw iyang mga dahon

At sigaw ng api ang ingay ng alon.

  Ano’t ganito na ang pasan kong hirap!

Ano’t ganito na ang aking pangarap!

Ang lahat ng bagay ay napatatawad,

Patawarin kaya ang imbi kong palad?

  Gabi-gabi ako’y hindi matahimik

Na parang sa aki’y mayrong nagagalit,

Ang pasan kong sala’y laging umuusig

Sa kabuhayan kong di man managinip.


Ulap

I.

  Sa aking pagdaing, sa aking pagtawag,

sa sinamo-samo ng dusta kong palad

ay palaging dilim at libingang ulap

ang hangang sa ngayo’y nagiging katapat.

II.

  Lahat na’y nabata ng aking pag-ibig,

lahat na’y nasukat nitong pagtitiis,

lahat na’y napasan sa silong ng Langit

maging ang parusang pagkalupit-lupit.

III.

  Nagbago ang lahat! Subali’t ang sagot

ng irog at buhay, sa aking pag-luhog

ay sadyang hindi pa binabagong lubos,

waring inu-uri ang aking pag-irog…

IV.

  Nguni’t kaylan kaya sa kanya’y papanaw

ang ulap ng isang wari’y alinlangan?

at sa akin kaya’y kaylan mabubuksan

ang pintong may susing katumbas ng buhay.

V.

  Ang nakakatulad ng aking pag-giliw

ay isang pulubing dumadaing-daing

na sa kanyang taghoy at pananalangin

ay walang maawang maglimos ng aliw!

VI.

  Kanyang sinusubok ang aking pagsuyo,

kanyang tinatarok ang luha ng puso,

kanyang binabasa sa pamimintuho

yaong katunayan ng sinamo-samo.

VII.

  Samantalang ako’y tumatawag-tawag,

lumuluha-luha sa gitna ng hirap,

ay walang kapiling maging sa pangarap

liban sa anino ng mga bagabag.

VIII.

  Ulap ng hinagpis, ulap ng parusa

ang nagpapasasang aking dinadama,

nguni’t kaylan kaya sa aking pagsinta’y

ang ulap na iya’y magiging ligaya.

Nasilaw sa dilim

I.

  Anang mga tao:  Ang mga makata’y

Sadyang isinilang upang magsiluha.

Nang una’y ayokong dito’y maniwala

Subali’t sa ngayo’y nakita kong tama.

  Ang luha ng tao ay may mga dahil,

May luhang nagmula sa pagkahilahil,

May sa pagkaapi sa isang giniliw,

May sa pagkalayo sa inang butihin.

  Ang luha ng aking nagsisising puso

Ay hindi nanggaling sa pagkasiphayo,

Ni sa pagkaapi ng aking pagsuyo,

Ni sa pagkagahis ng isang palalo.

  Ang luha ko’y buhat sa di pagkataya

Na ang tao’y mayrong  balon  ng parusa,

Ang pagsisisi ko ay bumabalisa’t

Bumawi sa akin ng aking ligaya.

  Talagang ang tao’y sadyang walang tigil,

Namali nang minsa’y ibig pang ulitin,

Ang tanaw sa  mundo’y mundong  walang lihim

At sa  Dios  ay  Dios  na di matandain.

  Ang mundo nga nama’y batbat ng paraya’t

Nagkalat ang silo sa balat ng lupa,

Dito kung mayron mang sampagang dakila

Ay may tinik namang pamutol ng nasa.

  Ang pagkamasakim sa bango at puri

Ang isinasama ng lalong mabuti,

Ang pagtinging labis sa pagsintang iwi’y

Siyang pagkabagsak ng isang lalaki.

  Oh!  bangong  pangarap ng uhaw na puso!

Oh!  puring  nagbuwal sa lalong maamo!

Kayo ang  berdugong  may bihis-pagsuyo

Nguni’t iyang loob ay pagkasiphayo.

  Ang sabik sa bango ng isang sampaga’t

Ang uhaw sa puri ng isang dalaga’y

Siyang sumusunog sa kanyang pagasa’t

Siyang nagsasabog niyong mga Troya.

  Dakilang bulaklak: Ako’y naniwala

Na ang nagawa ko’y kahibangang pawa,

Ngayon ko natantong  birhen  kang dakila,

May wagas kang puso’t banal na akala.

  Ako’y naririto’t pinagsisisihan

Ang aking nagawang mga kasalanan,

Aking babaunin hanggang sa libingan

Ang hinanakit mo’t magagandang aral.

  Talagang nalisya ang aking pangarap,

Puso ko’y inabot ng bagyo sa dagat,

 Ano’t ikaw pa nga yaong binagabag

Gayong ikaw’y isang  anghel  na mapalad?

  Pawiin sa puso ang mga nangyari

At iyong alaming may bango ka’t puri,

Samantalang gayon, ako’y nagsisisi

At binabawi ko ang mga sinabi.

  Nguni’t isang tanong:  Kaya ang patawad

Sa namaling puso ay iyong igawad?

Ang mga  luha  ko’y siyang ihuhugas

Sa napaligaw ko’t nagsisising palad.

+1
0
+1
1
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0
Follow by Email