Tula tungkol sa Bayan

|

Ang bayan ay maaaring isang bansa o teritoryo. Madalasan na bayan ang ating tawag sa ating lugar ng kapanganakan, ating naging tirahan, o lugar na gustong mapuntahan.

Ang pagiging makabayan o pagmamahal sa bayan ay ang pagiging deboto at paglilingkod para sa kabutihan ng nakakarami na nakatira dito.

Basahin ang mga halimbawa ng tula tunkol sa bayan sa ibaba.

Kung nais mong magsumite ng sarili mong tula tungkol sa bayan, makipag-ugnayan sa amin dito.

Talaan ng Nilalaman

Ang Pamaypay

Ang lahat at lahat sa Sangkatauhan

ay may kanya-kanyang uri’t kalagayan,

may ibig sabihin ang lahat ng bagay

na abot ó hindi ng damdam at malay,

ang panyo’y may lihim sa nagiibigan

gaya ng bulaklak at mga halaman,

itong abaniko’y isang kasangkapang

pangdagdag sa puso ng init at buhay.

Sa Aklat ng Puso’t Aklat ng Paggiliw

yaong abaniko’y may ibig sabihin,

may sariling uri’t sariling tuntunin

may sariling layon at sariling lihim,

sa Talatingigan ng mga Damdamin

ang wikang Pamaypay ay tuwa’t hilahil,

palad at tagumpay, at kung kukurui’y

taga pamalita niyong bukas natin.

Kalihim ng Puso’t Patnubay ng Palad,

ngiti ng liwayway sa likod ng ulap,

sa gitna ng buhay ay “isang watawat

na kulay lungtiang pakpak ng pangarap,

sagisag ng hinhin ng mga mapalad,

baluti ng mga babaeng banayad,

kublihan ng mukhang maramot maglagak

ng masayang ngiting yaman ng panulat.

Isang kasangkapang gamit ng babae

at kung magkaminsa’y pati ng lalaki,

bibig na malayang nakapagsasabi

ng oo at hindi ng sama at buti,

isang kasangkapang sa nagsisikasi’y

papel at panulat, gayuma’t buhawi,

sangla ng pag-ibig, na namamayani

sa lahat ng pusong bihag na parati.

Ang bawa’t ikilos ng isang pamaypay

ay may isang wika, uri t kahulugan,

parang isang aklat na nagsasalaysay

ng hirap at tuwa, ng aliw at panglaw;

kung iyong dalasin ang mga paggalaw

ang ibig sabihin: Kita’y minamahal;

kung biglang isara: Ako’y nasusuklam,

huwag nang lumapit at nang di magdamdam.

Yaong abanikong idampi sa labi,

ang ibig sabihi’y Ikaw ang lwalhati,

kung minsang itago’y Hindi maaari

ang iyong pagkasi’t ang sa pusong susi’y

hawak na ng isang pangarap kong lagi,

at kung pisil-pisil ng mga daliri’y:

inaantay kita’t ang ama kong Hari’y

wala at sa monte’y nagbakasakali.

Kung kagat ang borlas Ako’y nahahapis

dahil sa ginawang sa ati’y paglait,

kung buksang marahan Huwag kang manganib

at ang ating ulap ay magiging langit,

kung buksang pabigla Sila’y nagagalit

dahil sa sulat mong kanilang nalirip,

kung biglang ilaglag Si Kulasa’y bwisit

at siyang nagsumbong nang tayo’y magniig.

Idampi sa pisngi Huwág kang matulog

at sa sine Luna, kami ay papasok,

idampi sa dibdib Ako’y nagseselos

dahil sa kasamang tila lumuluhog,

kung biglang ipukol Sa iba ibuhos

ang iyong pagsinta. Ikaw’y pahinuhod!

.  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .

Itong abaniko’y Dila sa Pag-irog,

Talatang may dusa, kamanyang, kampupot.


Panuob

Hayan ang makata. Haya’t umaawit

ng mga kundimang pang-lupa’t pang-langit,

hawak ang kudyaping malambing ang tinig

at pinangsasaliw sa ligaya’t sakit.

Kung siya ay sino? Iyan ang makatang

ang tula’t tulain ay matalinghaga,

mga lungkot, dusa, daing, hirap, luha,

Galit, sumpa’t lambing ang puso at diwa.

Ang kanyang tulai’y sing-lambot, sing-linaw

ng tubig sa wawa, sa sapa’t batisang

Balana’y sumimsim sa tamis na taglay.

Hayan ang makata. Kayó ang magsabi

Kundi siya’y dapat na Dangal at Puri

at maging putong pa ng Wikang sarili.

+1
0
+1
1
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0
Follow by Email