Parabula ng banga

0 351

”Huwag mong kalilimutang ikaw ay isang bangang gawa sa lupa,” ang sabi ng Inang Banga sa kaniyang anak.

“Tandaan mo ito sa buong buhay mo.”

“Bakit madalas mong inuulit ang mga salitang ito, Ina?” ang tanong ng anak na banga na may pagtataka.

“Sapagkat ayokong kalimutan mo ito. At ikaw ay nararapat na makisalamuha lamang sa ating mga kauring banga.”

Kaya’t sa buong panahon ng kaniyang kabataan, itinatak niya sa kanyang isipan na siya ay isang banga na gawa sa lupa. Hanggang sa makakita siya ng ibang uri ng banga. Nakita niya ang eleganteng bangang porselana, ang isang makintab na bangang metal, at maging ang iba pang babasaging banga. Tinanggap niya na sila ay magkakaiba. Ngunit hindi niya lubos na maunawaan kung bakit hindi siya maaaring makisalamuha sa ibang banga. Marahil, gawa sila mula sa iba’t ibang materyal at iba-iba rin ang kanilang kulay. May puti, may itim, may kulay tsokolate at may dilaw. Sila ay may kaniya-kaniyang kahalagahan. Hinulma sila nang pantay-pantay. Lahat sila ay ginawa upang maging sisidlan o dekorasyon.

Isang araw, isang napakakisig na porselanang banga ang nag-imbita sa kaniya na maligo sa lawa. Noong una, siya’y tumanggi. Nang lumaon, nanaig sa kanya ang paniniwalang ang lahat ng banga ay pantay-pantay. Naakit siya sa makisig na porselanang banga. Napapalamutian ito ng magagandang disenyo at matitingkad ang kulay ng pintura. May palamuting gintong dahon ang gilid nito. Kakaiba ang kaniyang hugis at mukhang kagalang-galang sa kaniyang tindig.

“Bakit wala namang masama sa paliligo sa lawa kasama ng ibang uri ng banga. Wala naman kaming gagawing hindi tama,” bulong niya sa sarili. At sumunod siya sa porselanang banga at sinabing, “Oo, maliligo ako sa lawa kasama mo. Ngunit saglit lamang, nais ko lang na mapreskuhan.”

“Tayo na!” sigaw ng porselanang banga na tuwang-tuwa. Sabay silang lumundag sa lawa at nasarapan sa malamig na tubig. Nakadama sila ng kaginhawahan sa mainit na panahon nang araw na iyon. Nang sila’y lumundag sa tubig, lumikha ito ng mga alon. Ang porselanang banga ay tinangay papalapit sa kaniya. Kahit hindi nila gusto, bigla silang nagbanggaan nang malakas. Isang malaking alon ang humampas mula sa gilid ng lawa. Lumikha ito ng napakalakas na tunog.

Ang porselanang banga ay nanatiling buo na parang walang nangyari. Ngunit ang bangang gawa sa lupa ay nagkalamat dahil sa malakas na banggaan nila. Habang siya’y nabibitak at unti-unting lumulubog sa ilalalim ng tubig, naalaala ng bangang lupa ang kaniyang ina.

Leave A Reply

Your email address will not be published.