Maria Makiling

0 1,233

Kwentong Bayan sa Laguna

Si Mariáng Makiling ang diwatang nangangalaga sa Bundok Makiling, Laguna. Siyá ang pinakatanyag na diwata sa mitolohiya ng Filipinas. Ini­larawan siyá bilang napakagandang dalaga na hindi tumatanda. Mayroon siyáng mahabàng buhok, nangungusap na mga matá, at kayumangging balát. Kalahating nimpa, kalahating silfide, isinilang siyá ng silahis ng bu­wan sa Filipinas at kinalinga ng misteryo ng kagubatan at lawa.

Naging bahagi ng tradisyong oral ng Filipinas ang alamat ni Mariang Makiling kayâ iba’t ibang bersiyon ang naipása bago pa man ito maido­kumento. Isinulat ni Jose Rizal ang alamat ni Mariang Makiling noong 23 Nobyembre 1890 na nailathala sa La Solidaridad noong Disyembre 1890. Ayon dito, walang nakatitiyak kung saan ang tirahan niya: ang mga na­kakatagpo nitó sa gubat ay hindi na muling nakababalik sa kani-kanilang bayan. May ilang nagsasabing nakatira siyá sa isang engrandeng bahay, hábang sa iba, isa lámang lumang kubo ang kaniyang tirahan.

Pinakahilig ni Maria ang paglalakad matapos ang isang bagyo upang ip­anumbalik ang kaayusan at kapayapaan sa nasirang kagubatan. Pinahihi­ram niya ng mga gamit ang mahihirap kapalit ng pagbalik ng mga ito ng gamit at pag-aalay ng putîng dumalaga. Binibigyan din niya ang mga ito ng áni, ginto, relikaryo, at alahas. May isang mangangaso na humabol sa isang baboy-damo na alaga ni Maria ang pinatuloy niya sa kaniyang ba­hay at pinakain, binigyan niya ito ng luya at nang papauwi, naging ginto ang mga ito. Dumating ang panahon, ayon kay Rizal, na hindi na nakikita ang diwata. Sinasabing dahil ito sa hindi na ibinabalik sa kaniya ang mga gamit at hindi na inaalayan ng dumalaga. Maaari ring dahil sa nabigông pag-ibig sa isang binata. Ayon sa isang alamat, umibig si Maria sa isang lalaki at pinagpapalà ang sakahan nitó. Nang magkaroon ng giyera, pinili ng lalaking magpakasal upang hindi sapilitang humawak ng sandata. Nag­pakita sa kaniya si Mariang Makiling upang magpaalam at magbigay ng handog para sa nalalapit na kasal ng lalaki. Hindi na nakita pa ang diwata simula noon.

Mula sa: malacanang

Leave A Reply

Your email address will not be published.