Isang magsasaka ang nais manirahan sa ibang bayan kaya isang araw ay inipon niya ang kanyang mga gamit at inilulan sa kanyang alagang kabayo at kalabaw. Maaga pa ay sinimulan na nila ang mahabang paglalakbay.
Makaraan ang ilang oras ay nakaramdam ng matinding pagod at panghihina ang kalabaw dahil sa bigat ng kanyang pasang gamit.
“Kaibigang kabayo, di hamak na mas mabigat ang pasan kong gamit keysa sa iyo. Maaari bang tulungan mo ako at pasanin mo yung iba?” pakiusap ng kalabaw.
“Aba, yan ang ipinataw sa iyong balikat ng ating amo kaya pagtiisan mo,” anang kabayo na lalo pang binilisan ang paglalakad.
“Parang awa mo na tulungan mo ako. Di ko na kakayanin ang bigat ng dala ko. Nanghihina ako. Alam mo namang kailangan kong magpalamig sa ilog kapag ganito katindi ang init ng araw dahil madaling mag-init ang katawan ko,” pakiusap pa rin ng kalabaw.
“Bahala ka sa buhay mo,” naiinis na sagot ng kabayo.
Makaraan pa ang isang oras at lalung tumindi ang init ng araw. Hindi nagtagal at ang kalabaw ay iginupo ng bigat ng kanyang dala at siya ay pumanaw.
Nang makita ng magsasaka ang nagyari ay kinuha niya ang lahat ng gamit na pasan ng kalabaw at inilipat sa kabayo na bahagya namang makalakad dahil sa naging napakabigat ng kanyang mga dalahin.
“Kung tinulungan ko sana si kasamang kalabaw ay hindi naging ganito kabigat ang pasan ko ngayon,” may pagsisising bulong ng kabayo sa kanyang sarili.
Mula sa: tagalogpabula
Buod ng Pabula
Nagpasya ang may-ari ni Kabayo at Kalabaw na lumipat sa kabilang bayan kung kaya’t kinuha niya lahat ng kanyang mga gamit at inilagay sa likod ng dalawa. Kapansin pansin na mas mabigat ang mga gamit na nakalagay sa likod ni Kalabaw kung kaya’t nang makaramdam ng matinding pagod ay nakiusap siya kay Kabayo na tulungan siyang pasanin ang mga gamit nito. Hindi nakinig si Kabayo.
Tumindi ang sikat ng araw at nakiusap muli ang nanghihinang si Kalabaw. Muli ay hindi ito pinakinggan ni Kabayo dahil ayaw nitong pasanin ang gamit ni Kalabaw. Hindi nagtagal ay hindi kinaya ni Kalabaw ang bigat at ang sinag ng araw kung kaya’t malungkot itong pumanaw.
Hindi naman nag-atubili ang may-ari at kaagad na pinasa ang mga kagamitang bitbit ni Kalabaw kay Kabayo. Bigat na bigat si Kabayo, halos hindi makalakad. Labis labis ang kanyang pagsisi sapagkat kung tinulungan niya lang si Kalabaw noo’y hindi siya maghihirap ng ganoon.
Ano ang aral na mapupulot sa pabula na Ang Kabayo at ang Kalabaw?
Ang pabula na ito ay nagpapakita na dapat ay maging matulungin sa kapwa. Kung minsa’y direkta tayong maaapektuhan sa hindi pagtulong gaya ng nangyari sa kabayo. Ang hindi nya pagtulong ang siya namang nagpahirap sakanya.
Subalit huwag lamang tutulong dahil lang tayo ay maaapektuhan. Mas mabuti paring tumulong sa kapwa nang walang inaantay na kapalit at tumulong ng bukal sa kalooban.
Ang pagiging makasarili’y palaging nagdudulot ng kasamaan sa sarili sa paglipas ng panahon. Palaging tumulong sa kapwa sapagkat ito’y makabubuti sa inyong dalawa.
Ano ang aral na napulot mo sa halimbawa ng pabula na ito?