Ano ang Tekstong Naratibo?

|

Ang tekstong naratibo o tekstong narativ ay isang uri ng literaturang nakapokus sa pagsasalaysay ng mga kaganapan patungkol sa isang tao, bagay, hayop, o kaganapan na binibigyang pagpapahalaga ang maayos at magaling na pagkakaayon ng mga naganap mula sa simula hanggang sa huli. Sa pagdadagdag, ang tekstong naratibo ay maaaring manggaling sa karanasan, imahinasyon, o obserbasyon ng may-akda.

Ang tekstong ito, na kung saan ay tinatawag ding tekstong pasalaysay, ay naglalayong makapagsalaysay ng mga kaganapan ng isang tauhan, bagay, o pangyayari. Kadalasan itong ginagamit upang bigyan ng aliw at mapaglilibangan ang mga mambabasa. Nilalayon nitong magkaroon ng kapupulutang aral sa hulihan ng pagbabasa. Sakop nito ang mga panitikang kagaya ng maikling kuwento, talambuhay, alamat, pabula, at kuwentong bayan.

May apat na elemento ang tekstong ito:

Tauhan — Ito ang mga tao, hayop, bagay, o lugar na gumaganap sa kuwento. Ang katauhan nito’y nakaalang-alang sa pagkasulat ng may-akda nito sa kuwento kung kaya’t samu’t sari at paiba-iba ang reaksyon ng mga mambabasa. May apat na tauhang kadalasang nakikita sa isang naratibong teksto:

  1. Pangunahing Tauhan – Ang pinag-iikutan ng kuwento at mga pangyayari, na kung saan halps lahat ng kaganapan ay may koneksyon at epekto sa buhay nito.
  2. Kasamang Tauhan – Ang mga tauhang sumusuporta sa pangunahing karakter. Kadalasa’y inilalagay ang mga ito upang bigyang diin ang asal at kilos ng pangunahing tauhan. 
  3. Katunggaling Tauhan – Ang tauhang kinakalaban ang prinsipyo’t kilos ng pangunahing tauhan. Mas kilala sa tawag na kontrabida, ang mga katunggaling tauhan ang kadalasang nagdadala ng inciting incident o conflict sa kuwento. 
  4. Isipan ng May-akda – Ito’y nakatago’t hindi binibigyan ng pagkatao. Ang tauhang ito ang kamalayan ng may-akda, na siyang nagbibigay buhay sa mga tauhan at nagpapanatili sa kaayusan at consistency ng asal, kilos, at pananalita ng mga tauhan.

Ang mga tauhang ito ay may dalawang uri depende sa pagkasusulat ng kanilang katauhan:

  1. Tauhang Bilog– Mga karakter na nagbabago ang personalidad o pagkatao sa loob ng kuwento buhat ng magaganda o masasalimuot na pangyayari sa kuwento.
  2. Tauhang Lapad – Mga karakter na hindi nagbago ang personalidad o pagkatao, kahit pa may mga pangyayaring maganda o masalimuot. 

Tagpuan – Ang lugar o panahon kung saan ginaganap ang pangyayari sa kuwento. Maaaring maramihan ang bilang ng tagpuan ng isang kuwento, ngunit sa pagdadagdag ng mga tagpua’y dumadami rin ang bilang ng mga kaganapan at karakter sa isang kuwento.

Banghay – Ito ang tumutukoy sa paraan ng pagkabuo at pagkasunod-sunod ng mga pangyayari sa isang kuwento. Upang magkaroon ng maayos at lohikal na pagkasunod-sunod ng mga pangyayari, sinusunod ang limang antas na ito:

  1. Panimula – Introduksyon ng kuwento.
  2. Pataas na Aksyon – Pagsibol ng problema ng kwento.
  3. Kasukdulan – Epekto ng ng problema sa mga karakter at ang paglutas ng mga karakter sa problemang ito.
  4. Pababang Aksyon – Paghupa ng problema at pagtanggap ng mga karakter sa sitswasyon.
  5. Wakas – Kongklusyon ng kuwento.

Paksa – Ang tema at ideyang nakapalibot sa kuwento. 

Halimbawa ng tekstong naratibo

  1. Unang Halimbawa
  2. ‘Di pa Tapos

Sanggunian

Albano, J. (2018). Tekstong Naratibo. Nakuha noong ika-2 ng Nobyembre, 2020 sa https://www.slideshare.net/JoevellAlbano/tekstong-naratibo-86164066

Valencia Colleges (2014). Tekstong Naratibo. Nakuha noong ika-2 ng Nobyembre, 2020.

+1
0
+1
4
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0
Follow by Email