Ang tekstong argumentatibo ay isang uri ng tekstong naglalayong makapagbigay ng argumento o katwiran patungkol sa isang bagay, paksa, o isyu. Ang may-akda ay maaaring pumili ng panig na ilalaban, at mabibigyan ito ng kalayaang maipaglaban ang panig.
Ngunit, importanteng mapagtanto ang responsibilidad ng mga may-akda na makapaghanay ng mga ebidensiyang lohikal at makatotohanan na nakuha niya base sa kanyang pananaliksik, karanasan, at obserbasyon.
Mahigit na nakatutulong ang masinop na pananaliksik ng datos at pag-oorganisa nito sa paraang kronolohikal o maliliit na punto patungo sa malalaki upang lubusang maintindihan at mahinuha ng mga mambabasa ang rason sa pagpili ng panig na kinabibilangan ng may-akda.
Ang tekstong argumentatibo ay nahahati sa dalawang bahagi:
Proposisyon
Ito ang ‘thesis statement’ o ang paksang ibibigay sa unahan ng may-akda upang magbigay ng kuwarto para sa diskurso at argumento. Maaring sumang-ayon o sumalungat ang may-akda. Sa mga planadong debate’t argumento naman, kinakailangang planado ang paksang pagtutunggalian upang maiwasan ang kalituhan at hindi pagkakaintindihan. Ang mga pahayag na “Dapat maipatupad ang same sex marriage dito sa Pilipinas“, “Ang abortion ay dapat maging legal sa Pilipinas“, at ang “Ang rape ay kasalanan ng mga rapist at wala sa damit ng biktima” ay pawang mga proposisyon.
Argumento
Dito matatagpuan ang pagsang-ayon o katwiran sa unang inilahad na proposisyon. Sa elementong ito naihahanay ang mga lohikal at balidong mga ebidensyang nakalap. Sa seksyong ito mahihinuha ng mambabasa kung kapani-paniwala ba ang may-akda o hindi.
May limang katangiang natatangi sa isang mahusay na pagkakagawa ng tekstong argumentatibo:
Mapanahon at May mabigat na kahalagahan sa lipunan – Sapagkat ang proposisyong pagdedebatehan ay siguradong isang paksa na malalim na pag-aaralan at isasaliksik ng mga may-akda, nilalayong ang paksang pipiliin ay mga paksang napapanahon at may direktang epekto sa lipunang kinabibilangan ng lahat. Sa gayo’y madadagdagan ang mga mulat na mamamayan at mas rarami ang mga Pilipinong makapagbibigay ng kaalaman sa mga hindi maalam na kababayan. Nagreresulta ito ng mas mabuti at matiwasay na Pilipinas.
Maikli pero malaman ang proposisyon – Sa kadahilanang ang proposisyo’y dapat nakalagay sa unang talata ng teksto, kinakailangang maliit lamang ang parte ng tekstong ito upang maintindihan ng mambabasa ang tesis na pinaglalabanan. Kinakailangan bawat salitang binibitawan nito’y may dalang bigat at kahulugan na makapagdadagdag sa rason ng tesis.
Maayos na pagkasunod-sunod ng mga talata – Importante ang lohikal na pagkasunod-sunod ng mga talata upang makuha ng mga mambabasa ang koneksyon at ang halaga ng mga puntong nais maipabatid ng may-akda. Hindi mainam ang magbukas ng panibagong argumento sa susunod na talata at pagkatapos ay susunod ang pangsuporta sa unang argumento sa susunod na talata. Sinisira nito ang ‘flow of thought’ ng mga mambabasa at mas makapagdudulot ng masama kaysa sa maganda.
Malinis na transisyon sa mga talata – Kung hindi lohikal o konektado ang mga magkasunod na talata, mas magbibigay ito ng kalituhan. Kinakailangang malinis at malinaw ang transisyon sa mga talatang inilalagay upang mailagay sa tamang kondisyon ang isip ng mambabasa. Kung hindi lilinawin ang transisyong ginawa ng mga talata ay puwedeng maiwan ang isip ng mambabasa: habang ang talata’y nagpapaliwanag sa ikatlong punto’y iniisip parin ng mambabasa ang unang puntong inilatag sapagkat walang indikasyon o malinis na transisyon sa pagitan nito.
May batayan at matibay ang mga argumento – Sa partikular na tekstong ito’y mas importante ang mga impormasyon nakalap sa mga sangguniang may kredibilidad kaysa sa iniisip ng may-akda. Kinakailangang ang mga argumento’y detalyado, walang halong haka-haka, mapanahon, at may koneksyon sa paksa.