Ang isang uri ng sektor ng ekonomiya ay ang primaryang sektor o sektor ng agrikultura, na kung saan ay saklaw nito ang kontribusyon ng agrikultura sa lipunan. Ito ang sektor ng agrikultura na pumapatungkol sa paggawa ng mga pagkaing kakainin sa pang-araw-araw na pamumuhay at raw materials na siyang pangunahing sangkap sa pagbuo ng mga produkto na ipinagbibili sa susunod na mga sektor. Sa pagdadagdag, ang ating likas na yaman at lupa ay ubod ng yaman at taba dahil sa pagiging tropikal ng ating klima (na buhat ng pagkakalagay natin sa equatorial zone). Sa kadahilanang ito ay primaryang sektor ang pundasyon ng ekonomiya ng bansa.Â
Salungat sa pangunahing kaisipan na ang agrikultura ay sumasaklaw lamang sa pagtatanim, may iba’t ibang anyo’t gawain ang agrikultura. Ito ay ang mga:
- Pagsasaka. Ito ay isang uri ng gawain sa primaryang sektor naihahalintulad ng karamihan sa agrikultura sapagkat ito’y ang pag-aalaga at pag-aani ng tanim. Ang pagsasaka ang isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng pagkain at materyales, kagaya na lamang ng palay, trigo, niyog, tubo, pinya, kape, mangga, at tabako. Maselan ang gawaing pagsasaka sapagkat nakadepende ang presyo’t rami ng mga ito sa klima ng isang lugar kung kaya’t popular ang Pilipinas sa pag-e-export ng mga halamang tumutubo lamang sa mga tropikal na bansa. Upang lubusang makuha ang pinakamaraming yield sa pagtatanim, kinakailangang maging maalam ang isang magsasaka sa uri ng tanim, sa lupang nais ng tanim, sa patabang gagamitin, at sa irigasyong gagamitin.
- Panggugubat. Ang panggugubat ay isa sa mga pangunahing gawaing sinasakop ng primaryang sektor. Sa panggugubat nakukuha ang hilaw na mga sangkap na ginagamit bilang proteksyon, hanapbuhay, pagluluto, at panlibangan, kagaya na lamang ng plywood, mesa, pader, panggatong, bangka, at iba pa. Sa panggugubat din nakukuha ang mga halamang hindi kahoy katulad ng rattan, nipa, anahaw, at kawayan. Kamaikalan lamang ay lubos ang pagpapahalaga sa mga bag na rattan, na kung saan ay naging isang popular na fashion trend sa kasalukuyan. Naipagbibili ito sa mga presyong hindi bumababa sa limang daang piso.Â
- Pagmimina. Datapwa’t kontrobersyal, ang pagmimina ay isang uri ng gawaing saklaw ng primaryang sektor ng ekonomiya. Sa pagmimina nakukuha ang mga likas na yamang mineral, di-mineral, at enerhiya na makikita sa loob at lupa ng mga bundok, sa lupa ng mga kapatagan, at sa sahig ng karagatan. Halimbawa sa mga sa mga mineral na nakukuha ay ang mga metal na tanso, ginto, at cobalt; mga di-metal kagaya ng marmol, adobe, sulfur, at talc; at pinagmumulan ng enerhiya kagaya ng lithium.Â
- Pangingisda. Ang pangingisda ay isang gawain sa sektor ng agrikultura na kung saan ay ang Pilipinas ay may malaking parte. Bilang isa sa mga pinakamalaking tagatustos ng isda sa mga bansa sa iba’t ibang panig ng mundo, matatagpuan sa Pilipinas ang pinakamalaking daungan ng isda. Sa pangingisda makukuha ang mga pagkaing-dagat na siyang pangunahing pinagkukunan ng protina ng mga Pilipino.
Kahalagahan ng Sektor ng Agrikultura
Sa kadahilanang ang primaryang sektor o ang sektor ng agrikultura ang pundasyon ng ekonomiya ng bansa, mas nabibigyan ng diin ang kahalagahan ng sektor ng agrikultura ng bansa. Ang mga kahalagahang ito ay ang mga sumusunod:
- Pinanggagalingan ng dolyar. Dahil sa estratehikong pagkakalagay ng heograpiya ng bansa, mainam ang klima ng bansa at napakataba ng lupain na pumapalibot dito na siyang dahilan kung bakit malulusog at masagana ang mga tanim na naaani sa bansa. Ang mga halimbawa nito’y pinya, saging, at mangga. Ang masaganang ani ng mga tanim na tumutubo lamang sa mga bansang tropikal ay ini-eksport ng bansa, na nagiging isa sa mga pinanggagalingan ng dolyar.Â
- Tinitiyak ang suplay ng pagkain. Napakahalaga ng sektor na ito sapagkat dito nanggagaling ang pagkaing kinakain ng mga mamamayan sa araw-araw. Dahil ang layunin ng sektor na ito ay ang pagkuha ng likas na yamang makakain at makapagbubuo ng mga sangkap na maaring gamitin sa pagluluto, kinakailangan itong bigyan ng pagpapahalaga at pagkilala bilang isang sektor ng ekonomiya.
- Nagbibigay ng hanapbuhay. Napakaraming lupain sa bansang pwedeng maging sakahan; napakaraming anyong tubig na maaaring palangisdaan; napakaraming bundok na maaring minahan at panggubatan. Sa tama at hindi maabusong pamamaraan ay nabibigyan ng sektor na ito ang mga tao ng mga hanapbuhay bilang isang magsasaka, mangingisda, minero, at marami pang iba.
- Pinagmumulang ng raw materials. Lahat ng mga materyal na produktong tinatamasa ng mga tao ngayon ay hindi makakamit kung hindi naaani nang regular at masistema na paraan ang mga raw materials nito. Napakahalaga ng sektor ng agrikultura sapagkat dito nanggagaling ang mga kakailanganing kagamitan upang mas mapaayos ang buhay ng lahat.
Suliranin ng Sektor ng Agrikultura
Habang may malaking tulong ang sektor ng agrikultura sa lipunan at sa ekonomiyang kinabibilangan ng bansa, hindi maikakailang hindi ito gaanong napagtuunan ng pansin na siyang nagbunga ng mga suliranin. Ang mga suliranin sa sektor ng agrikultura ay:
- Kahirapan ng mga magsasaka. Napakaliit lamang ng mga batas na pinoprotektahan ang karapatan ng mga magsasaka, kung kaya’t kadalasan sa kanila’y naabuso’t nahihingian ng matataas na singil mula sa may-ari ng lupa. Bukod pa rito, hindi binibili ng mga malalaking negosyante ang mga inaani kung nakatungtong ito sa presyong may kamahalan, kung kaya’t napipilitan ang mga magsasaka na paliitin ang presyo ng bilihin. Habang ang mga haciendero’t ang mga mamimili ay naliligo sa yaman sa pagpapamahal ng singil at ng mga nabiling tanim, naiiwan ang mga magsasaka sa kakarampot na kita.Â
- Polusyon at pinsalang dulot ng pagmimina. Buhat ng sobra-sobrang pagmimina ay napakaraming napipinsala: ang hangin, tubig, lupa, yamang hayop, at ang mga naninirahang bayan na malapit dito. Napipinsala nito ang hangin sa walang tigil na pagtitibag ng mga bundok upang makuha ang mga mineral na kinakailangan. Ang mga kagamitang ginagamit sa pagmimina ay maaari ring maging isang lason na nakasasama sa mga hayop at tao kapag napunta sa yamang tubig. Napakalaking pinsala rin ang dinudulot ng pagmimina sa mga komunidad na malapit dito. Napakaraming IP (Indigenous People) ang puwersahang napaaalis sa kanilang mga tahanan dahil sa mga minahang pinipinsala ang kanilang mga lugar.Â
- Illegal logging. Habang kinakailangang kumuha ng mga likas na yaman sa kagubatan upang matustusan ang pangangailangan ng mga mamamayan, napakaraming illegal na pangungubat at pagpuputol ng mga puno. Lumiliit ang bilang ng mga puno dahil dito, kung kaya’t mas tumataas ang posibilidad ng mas mapinsalang kalamidad. Sa pagdadagdag, ang pinuputol na puno rin ay nagdudulot ng pagkawala ng mga tahanan ng mga hayop sa kagubatan na siyang dahilan ng pagliit ng diversity nito. Â
- Pagamit ng dinamita. Ang paggamit ng dinamita sa pangingisda ay isa sa mga pinakamalaking rason kung bakit napipinsala ang ating karagatan. Hindi lang pinapatay ng dinamita ang mga maliliit na isda na hindi pa mainam kainin, pinapatay rin ng dinamita ang bahay ng mga isda: ang corals.Â
- Trawl fishing. Sa pamamagitan ng trawl fishing, nakakaladlakad ang mga corals na siyang tinitirhan ng mga isda. Nadadala rin nito ang mga maliliit na isda, na hindi nabigyan ng pagkakataong lumaki upang paramihin ang kanilang bilang.