Basahin ang halimbawa ng pabula tungkol sa ‘Ang Aso at Ang Uwak‘ sa ibaba. Nasa ibaba din ang buod at aral ng pabula na ito.
Ang Pabula ng ‘Ang Aso at Ang Uwak’
Ang ibong si Uwak at lipad nang lipad
Nang biglang makita tapang nakabilad
Agad na tinangay at muling lumipad
Sa dulo ng sanga ng malagong duhat.
Habang kumakain si Uwak na masaya
Nagmakubli-kubli nang huwag makita
Nang iba pang hayop na kasama niya
At nang masarili, kinakaing tapa.
Walang anu-ano narinig ni Uwak
Malakas na boses nitong Asong Gubat
Sa lahat ng ibon ika’y naiiba
Ang kulay mong itim ay walang kapara.
Sa mga papuri nabigla si Uwak
At sa pagkatuwa siya’y humalakhak;
Ang kagat na karne sa lupa’y nalaglag
Kaagad nilundag nitong Asong Gubat.
At ang tusong aso’y tumakbong matulin
Naiwan si Uwak na nagsisi man din
Isang aral ito na dapat isipin
Ang labis na papuri’y panloloko na rin.
Buod ng Pabula
Napakaswerte ni Uwak ng araw na iyon sapagkat nakakita ito ng matabang karne. Agad itong tinuklaw ni Uwak at umalis. Masaya itong kumakain nang makarinig ito ng tahol galing kay Aso.
Pinuri ni Aso ang kulay at kagandahan ni Uwak nang sobra sobra. Natuwa naman si Uwak dahil sa mga papering iginawad ni Aso sa kanya. Sa kanyang katuwaa’y napahalaklak siya at nahulog sa lupa ang napakamasarap na karneng kanyang kinakain. Agad naman itong kinain ni Aso.
Naiwan si Uwak sa himpapawid, sising sisi sa ginawa.
Aral ng Pabula
Hindi lahat ng mga papuring naririnig ay totoo at sinsero. Ang iba sa mga ito’y sinasambit lamang upang makalamang o magamit ka.
Ano ang aral na napulot mo sa halimbawa ng pabula na ito?