Alamat ng Bulkang Mayon

|

Basahin ang halimbawa ng maikling kwento na ‘Alamat ng Bulkang Mayon‘ sa ibaba. Mayroon din kaming ginawang larawan para sa halimbawa ng alamat na ito.


Alamat ng Bulkang Mayon

Noong unang panahon, sa rehiyon ng Ibalong (matandang pangalan ng Bikol), ay naninirahan ang isang datu. Siya si Datu Makusog (salitang Bikolano, nangangahulugang “malakas”) ng Rawis (salitang Bikolano, ibig sabihin ay “kanal para sa irigasyon/patubig,” isang baryo ito sa lungsod ng Legaspi) at ang asawa niya ay si Dawani (salitang Bikolano, “bahaghari”). Sila’y may isang supling na babae, si Daragang Magayon (salitang Bikolano, nangangahulugang “magandang dalaga”). Ngunit sa kasamaang-palad, agad na binawian ng buhay si Dawani pagkasilang niya sa kanyang sanggol.

Gayunman, lumaki si Magayon na isang marikit, mabait, at malambing na dalaga. Nabihag niya ang puso ng maraming kabinataan sa loob o labas man ng kanilang bayan. Subalit ni isa man sa kanila ay walang pinalad na makamit ang matamis niyang “oo.” Maging ang magandang lalaki’t mapagmalaking si Pagtuga (salitang Bikolano, nangangahulugang “pagputok ng bulkan”), isang mahusay na mangangaso at makapangyarihang datu ng Iraga (salitang Bikolano, ibig sabihin ay “sa kapatagan;” Iriga, Camarines Sur ito sa kasalukuyan) na laging nagpapadala ng mga regalo, gaya ng ginto, perlas, at mga hayop sa ama ni Magayon, ay hindi napaibig ang mahinhing dalaga.

Hanggang sa dumating ang isang lalaking nagngangalang Ulap sa bayan ng Rawis. Tahimik na binata ngunit matapang na mandirigma, si Ulap ay anak ni Datu Karilaya (matandang Bikolanong katawagan sa rehiyon ng Timog Katagalugan). Naglakbay siya nang naglalakad lamang patungo sa Ibalong para lamang masilayan ang napapabalitang kagandahan ni Daragang Magayon. Hindi tulad ng ibang mga manliligaw na pawang mapupusok at may hangin sa ulo, matiyagang naghintay ang tahimik na si Ulap ng pagkakataong ligawan ang dilag. Sa loob ng maraming araw, mga panakaw na tingin lamang ang kanyang nagagawa. Lagi niyang sinusundan ngunit minamasdan lamang mula sa malayo si Daragang Magayon tuwing maliligo ito sa ilog Yawa (isang ilog sa Rawis).

Gayunman, hindi nagtagal at dumating din ang magandang pagkakataong maipakilala ng sumisinta ang kanyang sarili sa lihim na sinisinta. Gabi noon, kararaan lamang ng isang matinding pagbuhos ng ulan. Subalit nagtungo pa rin si Magayon sa ilog para maligo, gaya ng dati. Habang lumalangoy, biglang nagkaroon ng isang malaki’t malakas na agos sa ilog na ikinapahamak ng dalaga. Parang kidlat namang nagtungo si Ulap sa kinaroroonan niya at siya ay sinagip mula sa tiyak na kamatayan. Binuhat ng makisig na binata ang nahintakutang dilag at dinala sa lupa. Ang mga nahintakutan ding katulong ni Magayon ay napatunganga lamang sa dalawa pag-ahon nila sa tubigan.

Anupa’t nagsimula roon ang kuwento ng pag-iibigan ni Magayon at ni Ulap. Sinundan ang gabing iyon ng ilang mga araw na pagkikita at pagniniig sa pagitan ng dalawa.

Dumating ang isang umaga, nagpasya na si Ulap na magtungo sa bahay nina Magayon. Inihagis niya ang kanyang dalang sibat sa tapat ng hagdanan para ipahiwatig na nais niyang pakasalan ang dalagang naninirahan doon. Pinapasok siya ni Datu Makusog sa bahay.

“Ano ang iyong pakay, binata?” tanong ng datu.

“Ako po si Ulap, anak ni Datu Karilaya. Naparito po ako upang hingin ang kamay ng inyong anak. Isinusumpa ko pong aalagaan at mamahalin siya sa habambuhay,” sagot ng binata.

Tiningnan ng ama ang kanyang anak. Namula ang mga pisngi ng nito at napayuko. Naramdaman ni Datu Makusog na si Magayon ay umiibig sa lalaki at alam niyang ito ang kaligayahan ng dalaga, kung kaya’t wala siyang tutol sa kanilang kasal.

“Nakikita ko ang iyong mabuting hangarin sa aking anak. Walang dahilan upang ako ay humadlang. Siya, pumapayag ako sa inyong pag-iisang dibdib,” wika ni Datu Makusog.

Pagkarinig niyon, hindi mailarawan ang nag-uumapaw na kaligayahan sa puso ng magkasintahan. Subalit ang kasal ay gaganapin pa matapos ang isang buwan. Aalis muna si Ulap para maipaalam sa kanyang mga kababayan ang kasal at para makapaghanda sa isasagawang pagdiriwang.

Ang masayang balita ukol sa pag-iisang dibdib ay parang apoy sa talahiban na kumalat, hanggang sa ito’y nakarating kay Pagtuga. Galit na galit ang datu ng Iraga. Isang araw, inabangan nila ng kanyang mga tauhan si Datu Makusog sa pangangaso nito. Dinakip nila ang matanda at ipinarating kay Magayon na kung hindi siya magpapakasal kay Pagtuga, papatayin nila ang kanyang ama at gigiyerahin nila ang Rawis.

Labag man sa kanyang kalooban, pumayag si Magayon sa kagustuhan ni Pagtuga. Mabilis na itinakda ang araw ng kanilang kasal. Ngunit nakaabot kay Ulap ang mga pangyayari. Inihinto niya ang ginagawang mga paghahanda sa kasal sa kanyang bayan at tinipon niya ang pinakamatatapang na mandirigma. Dali-dali silang nagtungo sa Rawis at tamang-tama lamang ang kanilang pagdating sa araw ng kasal nina Pagtuga.

Nagkagulo sa pagdiriwang, at napatay ni Ulap si Pagtuga. Ang masayang si Magayon naman ay tumakbo at niyakap si Ulap. Sa kasamaang-palad, natamaan ng isang ligaw na palaso ang dalaga. Habang lumuluhang hawak ng binata ang naghihingalong kasintahan sa kanyang mga bisig, si Linog (salitang Bikol, ibig sabihin ay “lindol”), isang malaking tauhan ni Pagtuga, ay inihagis ang kanyang sibat sa likod ni Ulap na mabilis na kumitil sa buhay nito. Sa sandaling iyon, si Datu Makusog naman ay binigwasan nang malakas si Linog at sinaksak ito ng kanyang minasbad (salitang Bikolano, “matalas na bolo na ginagamit bilang sandata o pangkatay”).

Labis na nalungkot at hindi nakapagsalita ang mga tao sa trahedyang kanilang nasaksihan. Ang kasiyahan ng pagdiriwang ng kasalan ay napalitan ng paghihinagpis at pagdadalamhati sa mga namatay. Ang luhaang si Datu Makusog ay naghukay ng libingan para kina Ulap at Magayon at doon ay inilibing niya ang magkasintahan.

Sa pagdaan ng mga araw, ang lupang pinaglibingan sa dalawa ay niyanig ng mga lindol at iyon ay tumaas nang tumaas. Nabuo ang isang bundok na may butas sa gitnang naglalaman ng naglalagablab na mga bato at apoy. Ayon sa matatanda, ang mga paglindol daw ay gawa ni Pagtuga, sa tulong ni Linog, na ginugulo ang bulkan para isauli ang mga regalong kanyang ibinigay sa dalaga. Dahil sa isang tradisyon, ang mga bagay na pag-aari ni Magayon, na inihandog ni Pagtuga, ay isinamang ilibing sa kanya.

May mga araw namang natatakpan ng mga ulap ang tuktok ng bulkan. Sabi ng mga matatanda, iyon daw ay si Ulap na hinahalikan si Magayon. Sa mga pagkakataon namang ang ulan ay masuyong pumapatak at dumadaloy sa libis ng bulkan, iyon daw ay mga luha ni Ulap.

Sa pagtagal ng panahon, ang pangalan ng bulkan na Magayon ay pinaikli at naging Mayong o Mayon na lamang sa kasalukuyan.

Mula sa: Eugenio, Damiana. Philippine Folk Literature: The Myths. Lungsod Quezon: UP Press, 1993.

Buod ng Alamat ng Bulkang Mayon

Ang Rajah ng Albay ay may isang anak na sa kariktan ay tinawag na Daragang Magayon, o ang ibig sabihin ay ‘Magandang Dalaga’. Tanyag ang kagandahan nito hindi lamang sa bayan ng Albay kundi sa mga bayang nakapalibot dito. Dahil sa kagandahan nito’y samut-saring kalalakihan ang pumupunta upang hingin ang kanyang kamay. Isa sa mga manliligaw nito ay si Kanauen. Inulan man ng regalo si Magayon ay hindi parin ito tinanggap ng dalaga. Bigo at galit si Kanauen.

Isa sa mga manliligaw naman ay ang prinsipeng Tagalog na si Gat Malaya. Dahil sa natatanging pagpapakilala nito’y napamahal ang dalaga sa kanya. Sila’y nagmahalan at nangakong magpapakasal. Umuwi si Gat Malaya upang tawagin ang kanyang mga magulang. Sinamantala ito ni Kanauen upang maikasal kay Magayon.

Naikasal nang tuluyan si Kanauen at Magayon ngunit dumating kaagad si Gat Malaya upang kunin ang kanyang mahal. Naglaban ang dalawa at nang matatamaan na si Malaya ay pumagitna si Magayon at namatay. Labis na nalungkot si Malaya kung kaya’t hindi niya napansin ang sibat na itinusok sa kanya ni Kanauen. Namatay ang dalawa sa bisig ng isa’t isa.

Nalungkot ang lahat ngunit laking gulat nila nang sa pagdaan ng panahon ay may tumubong bulkan na napakaperpekto ng hugis. Tinawag nila itong Mayon, hango sa pangalan ni Magayon.

Aral ng Alamat ng Bulkang Mayon

Huwag mong ipilit ang iyong pagmamahal sa mga taong hindi ikaw ang minamahal. Sa pamamaraang ito, walang sasaya at lahat ay masasaktan. Maging tapat sa iniibig at huwag kailanman maging suwail.


Basahin ang iba pang mga alamat dito.

+1
0
+1
2
+1
0
+1
1
+1
0
+1
2
+1
0
Follow by Email