Inang Bayan

Tapon dito, tapon doon
May nagbago ba mula noon?
Kalikasan natin ang nagdurusa ngayon
Sa kadumihan at kawalang respeto ng bawat nayon

Kailan kaya matututong maglinis ang madla?
Simpleng pagtapon sa tamang tapunan sadyang ‘di magawa
Disiplina muna sa sarili ang dapat manguna
Upang mailigtas ang bayang pinagpala

Orihinal na gawa ni Francesca Marie

Tag-ulan

  May nangagsasabing masama ang ulan,

may nangagagalit sa lusak na daan,

ako ang tanungi’t… aking isasaysay

na ang tanging  gloria’y  ang pagtatampisaw.

  Ang mga halama’y nangananariwa

sa patak ng ulang hindi nagtitila,

ang aking pagkasing ibig mamayapa

kung ganyang tagula’y nagbabagong diwa.

  Walang kailangang sa aki’y magtago

ang mukha ng araw na di ko makuro,

sa aki’y sukat na ang iya’y maglaho

upang pasayahin ang kimkim kong puso.

  Walang kailangang sa Sangmaliwanag

ay laging maghari ang dilim at ulap,

ang patak ng ulan sa imbi kong palad

ay bangong masansang na di mangungupas.

  Kung may mag-uulat na sa kalangitan

ay may unos, baha, at patak ng ulan,

ay kunin na ako’t hindi mamamanglaw

pagka’t masasama sa kawal ng banal.

  Ang patak ng ulan ay awa ng langit,

lihim na biyaya sa mga ninibig,

laman ng panulat sa mga pag-awit,

sariwang bulaklak sa pitak ng isip.

  Kung ang tanging Musa’y may tampo sa akin

at ayaw sumunod sa aking paggiliw,

ang patak ng ula’y sukat ang malasin

upang ang  lira  ko’y sumuyo’t sumaliw.

  Kung sakasakaling ako’y maging bangkay

at saka ilagak sa isang mapanglaw

na labi ng libing… mangyaring ang ula’y

bayaang tumagos sa aking katawán.

+1
0
+1
2
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0