Ang pag-ibig ay isang damdamin kung saan tayo ay may gustong protektahan, alagaan, at pasiyahin. Ito rin ay pagkakaroon ng malalim na emosyonal na koneksyon sa kapwa tao o di kaya’y sa mga hayop.
Maaaring maramdaman ang pag-ibig hindi lamang sa iisang tao na nais mong maging katuwang sa buhay ngunit pati narin sa magulang, kapatid, mga kaibigan at kamag-anak, o mga alagang hayop.
Basahin ang mga halimbawa ng tula tungkol sa pag-ibig sa ibaba.
Kung nais mong magsumite ng sarili mong tula tungkol sa pag-ibig, makipag-ugnayan sa amin dito.
Ang Luha ng Libang
Ayun, tumatangis! Ayun, lumuluha’t
tumataghoy-taghoy na nakaaawa.
Malasin ang hibang, ang sira ang diwa,
ang taong nanangis sa gabing payapa
na minsa’y maiyak, at minsa’y matuwa.
Malasin ang ayos ng kahabaghabag
ng pusong dinusta ng kanyang pangarap;
malasin ang luha, ang luha ng palad,
ang luhang nagmula sa kanyang pagliyag
na pinagkaitan ng tamis ng lingap.
Tumangis na muli! At saka humibik
na mandi’y puputok ang latok na dibdib;
kanyang ipinukol ang mata sa langit
kasabay ang sabing:–“Kailan pa sasapit
ang mithing ligaya ng aking pag-ibig”?
“Oh! Diosa ng aking yaman ng pag-asa,
kailan mo tutubsin ang puso sa dusa?
kailan papalitan ng tunay na saya
ang nagluluksa kong ulilang pagsinta
na nananambitan…!” at saka tumawa.
Ha! ha! ha! oh! irog! Aking paraluman,
hantungan ng aking buong kabuhayan!
kung hinihiling mo’y tulang tula lamang
ng upang ang dusa’y minsang mabawasan,
naito’t dinggin mo ang tula ng buhay.
“Halika! halika! Tangapin mo ngayon
ang tula ng aking pusong lumalangoy;
basahing madali’t dingging mahinahon
ang hibik ng bawa’t talatang nanaghoy,
ang awit ng palad, ang sigaw, ang tutol.
“Oh! pusong maramot! Pusong mapang-api,
walang awang tala sa pagkaduhagi,
halika! ha! ha! ha! ang dilim ng gabi,
ang halík ng hangin ay pawa kong saksí
sa panunumpa kong kita’y kinakasi.
Halika’t sinagin sa luha ng puso
ang kulay ng aking sinimpang pagsamo,
halika’t basahin sa pamimintuho
ang gintong pangarap ng aking pagsuyo
na nananawagan hanggang masiphayo.”
. . . . . . . . . . . . . .
Dito na natapos yaóng panambitan,
dito na naputol ang pananawagan
ng sira ang bait, ng ulól, ng hibang,
ng pusong ginahís at pinagkaitan
niyang luwalhating katumbas ng buhay.
Anóng hirap pala ng gawang humibik
sa isang ayaw mang tumugo’t makiníg!
Anóng hirap pala ng gawang umibig
lalo’t aapihín sa silong ng langit
ng hiníhibikang pinapanaginip..!
Krus at Libingan
(Irog: Kung ang kalungkutan
ko’y tinutugon ng iyong
damdamin ay pamuli’t muling
basahin mo lamang ang
awit na ito. At ako’y talagang
may ugali na matapang sa
likod, at duwag sa harap.)
I.
Narito’t malasin itong kalagayan
At tutop ang noó sa kapighatian,
Aking binabakas yaong kasayahang
Nasulat sa dahon nitong kabuhayan.
II.
Hindi makakatkat ang mga talata
Na tikóm sa guhit ng mga biyaya,
At kung mayroon pang tagistis ng luha
Ay luhang nanggaling sa pagkariwara.
III.
Sa aking kalupi, sa aklat ng palad
Ay may mga bagay na nangasusulat,
Diyan makikita ang mukhang may hirap
At pusong malaong lunod sa pangarap.
IV.
Diyan mamamalas ang isang larawang
Sipi sa ulila’t payapang libingan,
Diyan makikita ang dusta kong buhay
Na sawang-sawa na sa kawáy ng hukay.
V.
Hindi ko matalos itong nangyayari’t
Ang namamalas ko’y dilím na parati,
Bulo sa pagsuyo, bigo sa pagkasi,
Kurus sa baunan ng naduduhagi.
VI.
Sa pinto ng puso’y nanawag na lagi
Ang tinig ng dusang nakaaaglahi,
Parang nananadyang sa aki’y bumati
Ang labi ng hirap, tinik, dalamhati.
VII.
Nais kong umibig. Nguni’t natatakot
Na ako’y umibig at saka lumuhog,
Pagka’t nangangambang sa aki’y matapos
Ang lahat ng aliw nitong Sangsinukob.
VIII.
Wala nang parusang gaya ng tumangis
Sa harap ng isang hindi umiibig,
Wala nang parusang gaya ng tumitig
Sa sungit ng dilím ng gabing tahimik.
IX.
Sukat na sa akin ang ako’y malagak
Sa pamamangka ko sa ilog ng hirap,
Sukat nang masabing lagi kang pangarap.
At matitiis na ang pasang bagabag.
X.
Walang kailangang mamatay sa dusa
Huwag ang bawiin ang pagkikilala,
Aking katuwaan kung ikaw’y makita
Sa piling ng aliw na di magbabawa.
XI.
Aking matitiis na sarilihin ko
Ang lahat ng pait sa buhay na ito
Kahit ang magtimpi’y halik ng simbuyó
Huwag ang abuting ikaw pa’y magtampo.
XII.
Ipalalagay kong masayang aliwan
Ang namamalas kong kurus at libingan,
Sapagka’t sa aki’y darating ang araw
At diyan uuwi ang hiram kong buhay.
XIII.
Di ko pinupukaw ang pagkamapalad
Niyang iyong buhay na bagong ninikat,
Ikaw ang bituwing takpan man ng ulap
Ay maghahari din ang ningning na ingat.
XIV.
Lamang ang hangad kong iyong mapaglining.
Ay ang aking lungkot na di nagmamaliw,
Lungkot na aywan ko kung saan nanggaling
Kung sa mga aklat ng isang paggiliw.
XV.
Matapos mabasa ang awit ng buhay
Ay limutin mo na ang aking kundiman,
Sapagka’t ayokong mahawa kang tunay
Sa taglay kong lungkot at kapighatian.
Kung Ako’y Sino
I.
Huwàg nang itanong; iyong akalaing
akong naghahayag ng maraming lihim
ay isang binihag ng mga hilahil,
isang kaluluwang busabos ng lagim,
isang nangangarap sa ganda mong kimkim,
isang tumatangis, isang dumadaing,
isang nagaalay ng kanyang paggiliw,
isang umaasang hindi hahabagin.
II.
At kung ako’y sino? Sukat na nga sinta!
ako ang tutugon sa mithi mo’t pita…
Ninanais mo bang ako’y makilala…?
Kung gayo’y makinig:–Akong sumasamba
sa iyong larawan sa tuwi-tuwina’y
pusong laging bihag ng hirap, ng dusa,
ako ang linikhang uhaw sa ginhawa’t
may ulap na lagi ang aking pag-asa.
III.
At kung ako’y sino? Isang nangangarap
magtamong biyaya sa iyong paglingap…
Isang umaawit ng lihim at hayag,
isang kandong kandong ng mga bagabag,
isang nasasabik uminom, lumasap
sa saro ng buhay ng tuwa, ng galak,
isang binabayo ng mga pahirap,
isang umiibig sa iyó ng ganap.
Album ng Dalaga
I. Simula
Ipahintulot mo, dalagang mayumi,
Na ilarawan ko ang ganda mong ari,
Ipahintulot mong awitin kong lagi
Ang kagandahan mong makahibang-pari.
Bulaan ang madlang balitang Prinsesa
Kung sa ganda mo nga’y makahihigit pa,
At para sa akin, ikaw’y siyang Reyna
Ng mga kapwa mong masamyong sampaga.
Ang kaharian mo’y iyang kagandahan,
Ang mga buhok mo’t matang mapupungay,
Ang paa’t pisngi mo ay siya mong yaman.
Sa dalang ugali, ikaw’y isang birhen,
Kamia ka sa bango’t sa pagkabutihin,
Sa hinhi’y sampaga’t sa ganda’y… tulain.
II. Ang mga buhok mo
Ang mga buhok mo’y mahahabang ahas
Kung nakasalalay sa iyong balikat,
Mga ulang waring di lupa ang hanap
Kundi sampagitang humahalimuyak.
Sa itim ay gabing walang buwa’t tala,
Sa haba ay halos humalik sa lupa,
Sa lago’y halamang malago’t sariwa,
Sa sinsi’y masinsin at nakahahanga.
Naging katulad ka niyong Penelopeng
may timtimang pusong miminsang kumasi’t
Ang naging aliwa’y luha’t paghahabi.
Sa haba ng iyong buhok nakilala
Ang kadalisayan ng pagkadalaga
At ang kahabaan ng isang pag-asa.
III. Ang mga mata mo
Nang ikaw ay bago sumipot sa lupa’y
Ipinanghiram ka ng mata sa tala,
Dalawang bituing sa hinhi’y sagana
Ang naging mata mong mayaman sa awa.
Sa mga mata mo’y aking nasisilip
Ang bughaw na pilas ng nunungong langit,
Mababaw na dagat ang nasa sa gilid
Na ang naglalayag ay pusong malinis.
Di ayos matalim, ni hugis matapang,
Ni hindi maliit, ni di kalakihan,
Ang mga mata mo’y maamo’t mapungay.
Kahinhina’t amo ang nanganganinag,
Kalinisa’t puri ang namamanaag,
Umaga ang laging handog mo sa palad.
IV. Ang mga pisngi mo
Ang lahat ng buti’y natipon na yata
Sa kabataan mong ilag sa paraya,
Pati ng pisngi mong pisngi niyong saga
Ay nakahihibang at nakahahanga.
Ang mga pisngi mo’y malambot, maamo,
Mayumi, manipis at hindi palalo,
Ang sangahang ugat kahit humahalo,
Ay napapabadha’t… di makapagtago.
Kung ikaw’y hindi ko dating kakilala
Ako’y mamamangha kung aking makita
Ang mga pisngi mong wari’y gumamela.
Naiinggit ako sa paminsanminsan
Sa dampi ng hanging walang-walang malay,
Pano’y kanyang-kanya ang lahat ng bagay..!
V. Ang mga labi mo
Ang mga labi mo ay dalawang langit,
Langit-na di bughaw, ni langit ng hapis,
Labi ng bulaklak na kapwa ninibig
Labing mababango, sariwa’t malinis.
Labi ng sampagang may pait at awa,
Tipunan ng pulót, tamis at biyaya,
Sisidlang ang lama’y kabanguhang pawa,
Pook na tipanan ng hamog at diwa.
Tagapamalita ng lihim ng puso,
May oo at hindi , may tutol at samo ,
May buhay at palad, may tula’t pagsuyo.
Ang mga labi mo’y may pulót na tangi
Kung iyan ang aking pagkaing palagi’y
Talo ko ang lahat, talo ko ang Hari.
VI. Ang mga kamay mo
Aywan kung mayron pang hihigit sa kinis
Sa mga kamay mong biluga’t nilalik,
Garing na mistula sa puti at linis,
Sa lambot ay bulak, sa ganda’y pagibig.
Ang mga daliring yaman mo’t biyaya
Ay di hugis tikin, ni hubog kandila;
Ang ayos at hugis ay bagay at tama
Sa sutla mong palad na laman ng diwa.
Ang makakandong mo’t maaalagaan,
Ang mahahaplos mo’t mahihiranghirang,
Ang kahit patay na’y muling mabubuhay.
Mahagkan ko lamang ang iyong daliri,
Sa kapwa makata, ako’y matatangi
At marahil ako’y isa na ring Hari.
VII. Ang mga paa mo
Takpan ma’t ipikit ang mga mata ko
Ay naguguhit din ang mga paá mo,
Paang mapuputing nakababalino
Sa isip at buhay ng payapang tao.
Paáng makikinis at makaulul-palad,
Ang hubog ay bagay sa laki mo’t sukat,
Ang mga sakong mo’y may pulang banayad,
Ang mga paá mo’y singlambot ng bulak.
Parang mga paá ng nababalitang
Cleopatra at Leda ng panahong luma,
Pano’y mga paáng sa ganda’y bihira.
Naiinggit ako sa bawa’t yapaka’t
siyang nagsasawa sa paá mong hirang,
Ano’t di pa ako ang maging tuntungan?
VIII. Wakas…
Talagang natipon ang lahat ng buti
Sa kabataan mong di pa kumakasi,
Ang lahat ng yaman ng isang babae
Ay nasa sa iyong sariwang parati.
Nasa sa iyo nga ang lahat ng bagay,
Ang bango, ang tamis, ang kasariwaan,
Ang yumi, ang awit, ang uri, ang kulay
Ang hamog, ang sinag, ang tuwa’t ang buhay.
Ikaw’y pagpalain, dalagang mapalad,
Ang kagandahan mo’y aking ikakalat
Sa silong ng langit, sa Sangmaliwanag.
Kung may naghahanap sa bukang liwayway
Sa kabataan mo ay matatagpuan,
Di ko malilimot ang ganda mong iyan!
Kung ikaw’y umibig
Huwag nang sabihing ang tanging Julieta
ng isang Romeo’y batis ng ligaya,
huwag nang banggitin ang isang Ofelia’t
hindi mapapantay sa irog kong Reyna.
Subukang buhayin ang lima mang Venus
at di maiinggit ako sa pagluhog,
tinatawanan ko si Marteng umirog
sa isang babaeng lumitaw sa agos.
Ang pulá ng labi, ang puti ng bisig,
ang kinis ng noong wari’y walang hapis,
ang lahat ng samyo sa silong ng langit
ay isinangla mo kung ikaw’y umibig.
Ang lahat sa iyo’y kulay ng ligaya,
ang lahat sa aki’y ngiti ng sampaga,
kung magkakapisan ang ating pag-asa
ay magiging mundong walang bahid dusa.
Hindi mo pansin na ako’y lalaki,
hindi mo naisip na ikaw’y babae,
paano’y talagang kung ikaw’y kumasi
sa tapat na sinta’y nagpapakabuti.
Gabing maliwanag at batbat ng tala,
maligayang Edeng bahay ng biyaya,
iyan ang larawang hindi magtitila
ng iyong pag-ibig sa balat ng lupa.
Ang buhay ng tao’y hindi panaginip,
ang mundo’y di mundo ng hirap at sakit,
aking mapapasan ang bigat ng langit
kung sasabihin kong: Kung ikaw’y umibig
Infierno
Tinatakhan mo ba ang aking pag-irog?
Dinaramdam mo ba ang aking paglimot?
Huwag kang mamangha’t di mo masusubok
ang kadalisayan ng aking pagluhog.
Sa aki’y di sukat ang mga babae,
sa aki’y di sukat ang iyong pagkasi,
ako’y inianak sa pagkaduhagi
kaya’t magagawa ang minamabuti.
Ako’y malilimot kung siya mong nais
at pakasumpain sa silong ng langit,
ikaw’y may laya pang sa iba’y umibig
pagka’t may ganda kang hiraman ng awit.
Subali’t alaming… ikaw’y masasayang
kung mahihilig ka sa ibang kandungan,
sapagka’t ang ating nangagdaang araw
ay di malalanta sa iyong isipan!
Ang lahat sa lupa’y iyong mahahamak
at maaari kang magbago ng palad,
nguni’t susundan ka sa iyong paglakad
ng isang anino ng ating lumipas.
Iyong magagawa ang ako’y limutin
at matitiis ko ang pagkahilahil,
iyo mang isangla ang iyong paggiliw
sa ibang binata’y… di ko daramdamin!
Kung tunay mang langit ang iyong pagkasi’y
isang Infierno ring aking masasabi,
bihira sa mga magandang babae
ang di salawaha’t taksil sa lalaki.
Limutin mo ako kung siya mong nasa’t
saka pa umibig sa ibang binata,
ang pagtataksil mo’y di ko iluluha
pagka’t ang babae’y taong mahiwaga.
Ang paglilihim mo’y aking kamatayan,
ang ginagawa mo’y parusa ng buhay,
kundi ka tutupad sa bilin ko’t aral
ay ako’y walin na sa iyong isipan.
Di ko tinatakhan ang palad ng tao
sapagka’t ang lahat ay mayrong Kalbaryo
kung ang aking puso’y iyong Paraiso ,
ang iyong pag-ibig ay aking Infierno
Ang mga halimbawa ng tula tungkol sa pag-ibig na nakalagda ay nagmula sa aklat na na Buntong Hininga na isinulat ni Pascual De Leon.