Ano ang pang-uri? Kahulugan at halimbawa nito

|

Ang pang-uri o adjective sa wikang Ingles ay ang tawag sa mga salitang naglalarawan o nagbibigay ng katangian sa pangngalan (tao, bagay, pook o pangyayari) at panghalip (pamalit sa pangngalan).

Uri ng Pang-uri

  • Pang-uring Panlarawan – ito ang tawag sa mga pang-uring naglalarawan katangian at kalagayan (anyo, hugis, kulay, amoy) ng pangngalan at panghalip.

Halimbawa:

Nakakita ako ng mataas na gusali sa lungsod.

Makulay na selebrasyon ang aming pinuntahan.

  • Pang-uring Pamilang – ito ang tawag sa mga salitang nagsasaad ng dami o bilang, o kaya ay ang pagkakasunod-sunod ng pangngalan at panghalip.

Halimbawa:

Maglalakbay-aral kami sa isang pook na makasaysayan.

Ikalimang medalya na ang kaniyang natanggap.

  • Pang-uring Pantangi – ito ang tawag sa pang-uring hinango o nagmula sa mga pangngalang pantangi na ginagamit na panuring sa pangngalan.

Halimbawa:

Mayuming kumilos ang dalagang Pilipina.

Una kong nahanap ang Dagat Tsina sa mapa.

Kaantasan ng Pang-uri

Makikita ang pagkakaiba ng mga katangian sa pamamagitan ng kaantasan.

  • Lantay – ang tawag kung ang pang-uring ginamit ay naglalarawan ng karaniwang anyo o kaantasan.

Halimbawa:

Mayaman sa likas na yaman ang Pilipinas.

Masikip ang daan papunta sa tindahan.

  • Pahambing – ang kaantasan ng pang-uri kung ito ay naghahambing ng katangian ng dalawang pangngalan o panghalip.
A. Para sa magkatulad na katangian
Kasing-, magkasing-, sing-Panlapi na ginagamit kapag ang salita ay nagsisimula sa mga patinig at katinig maliban sa d, l, r, s, t, b at p.

Halimbawa:

Magkasing-ayos ang proyekto ni Anna at May.
Kasingkulay ng damit ni Tin ang kamiseta ni Joshua.
Kasin-, magkasin-, sin-Panlapi na ginagamit kapag ang salita ay nagsisimula sa mga katinig na d, l, r, s, at t.

Halimbawa:

Sintibay ng puno ng narra ang kaniyang lakas ng loob.
Magkasinsaya si Mark at James sa pagdating ng kanilang ina.
Kasim-, magkasim-, sim-Panlapi na ginagamit kapag ang salita ay nagsisimula sa mga katinig na b at p.

Halimbawa:

Kasimpayat ng kawayan ang kaniyang braso.
Magkasimputi ang magpinsan na sila Bea at Kris.
B. Para sa di-magkatulad na katangian
Mas-kaysa, higit na-kaysa, lalong-kaysa, di-gaano-tulad ngHalimbawa:
Mas masaya ang kaarawan ko noong isang taon kaysa ngayon.

Lalong kahanga hanga ang kaniyang talent kasya dati.
  • Pasukdol – ang tawag sa pinakamasidhing antas ng pang-uri. Naipapakita ito sa pamamagitan ng tatlong paraan.

1. Pag-uulit ng salita

Halimbawa:

Ang linis-linis ng kalye sa Palawan.

2. Paggamit ng mga panlaping pinaka-, napaka-, at kay-

Halimbawa:

Napakasaya ng parade sa aming probinsya.

3. Paggamit ng mga salitang tulad ng talaga, ubod ng, at sobra

Halimbawa:

Ubod ng ingay sa kabilang bahay.

Kayarian ng Pang-Uri

Payak – ito ang pang-uring binubuo lamang ng salitang-ugat.

Halimbawa:

Hinog na ang mga mangga sa puno.

Sariwa ang mga isda na kaniyang nabili.

Maylapi – ito ang pang-uring binubuo ng salitang-ugat at panlapi.

Halimbawa:

Nanatiling luntian ang kanyang hardin.

Makulay ang naging selebrasyon sa paaralan.

Inuulit – ito ang pang-uring nabubuo sa pamamagitan ng pag-uulit.

Halimbawa:

Punung-puno ng bisita ang kaniyang kaarawan.

Masaya ako kapag nakakakita ako ng malulusog na bata.

Tambalan – ito ang pang-uring binubuo ng dalawang salita

Halimbawa:

Taus-puso ang kanyang naging pasasalamat.

Madaming balikbayan ang dumating sa paliparan.

+1
4
+1
1
+1
1
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0
Follow by Email