Ang banghay o outline ay tumutukoy sa maayos at malinaw na pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa kwento o paksa. Nakalahad dito ng maayos ang mga pasalaysay na pangyayari tulad ng kung ano at ano ang kahulugan ng mga pangyayari sa paksa.
Maaari rin itong matawag na balangkas.
Mayroong tatlong bahagi ang isang banghay:
- Simula – dito nakasaad at makikita ang kilos, paglinang sa tao, at maging ang hadlang at suliranin.
- Gitna – tinatalakay dito ang masisidhing pangyayari na kakaharapin ng tauhan na kailangan nitong pagtagumpayan.
- Wakas – ito ang pinakahuling bahagi ng banghay at nakasaad dito ang magiging resulta ng isang pangyayari.
Anu-ano ang mga elemento ng banghay?
Para maipakita ang mga elemento ng banghay, gagamitin namin ang Alamat ng Ampalaya.
Panimulang Pangyayari
Dito pinapakilala ang mga tauhan at tagpuan ng isang kwento.
“Noong araw, sa bayan ng Sariwa naninirahan ang lahat ng uri ng gulay na may kanya-kanyang kagandahang taglay. Si Kalabasa na may kakaibang tamis, si Kamatis na may asim at malasutlang kutis, si Luya na may anghang, si Labanos na sobra ang kaputian, si Talong na may lilang balat, luntiang pisngi ni Mustasa, si Singkamas na may kakaibang lutong na taglay, si Sibuyas na ma manipis na balat, at si Patola na may gaspang na kaakit-akit.” |
Pataas na Aksyon
Dito pinapakita ang pagtindi o pagtaas ng kilos o galaw ng mga tauhan na maaaring humantong sa sukdulan. Ito ay nahahati sa dalawang bahagi, saglit na kasiglahan at tunggalian, kung saan mayroong suliranin na lulutasin ang isang tauhan.
“Subalit may isang gulay na umusbong na kakaiba ang anyo, siya si Ampalaya na may maputlang maputlang kulay, at ang kanyang lasang taglay ay di maipaliwanag. Araw araw, walang ginawa si Ampalaya kung hindi ikumpara ang kanyan itsura at lasa sa kapwa niya gulay, at dahil dito ay nagbalak siya ng masama sa kapwa niyang mga gulay.” |
Kasukdulan
Pinapakita sa bahaging ito ang mataas na bahagi ng kapanabikan na maaaring dulot ng damdamin o pangyayaring maaksyon sa buhay ng tauhan.
“Nang sumapit ang gabi kinuha ni Ampalaya ang lahat ng magagandang katangian ng mga gulay at kanyang isinuot. Tuwang tuwa si Ampalaya dahil ang dating gulay na hindi pinapansin ngayon ay pinagkakaguluhan. Ngunit walang lihim na hidi nabubunyag nagtipon tipon ang mga gulay na kanyang ninakawan.” |
Pababang Aksyon
Sa bahaging ito makikita ang paunti-unting paglilinaw ng mga pangyayari. Ito ang hudyat nang pagbaba ng aksyon na nagbibigay-daan sa nalalapit na pagtatapos ng kwento.
“Napagkasunduan nilang sundan ang gulay na may gandang kakaiba, at laking gulat nila ng makita nilang hinuhubad nito isa-isa ang mga katangian na kanilang taglay, nanlaki ang kanilang mga mata ng tumambad sa kanila si Ampalaya. Nagalit ang mga gulay at kanilang iniharap si Ampalaya sa diwata ng lupain, isinumbong nila ang ginawang pagnanakaw ni Ampalya. Dahil dito nagalit ang diwata at lahat ng magagandang katangian na kinuha sa mga kapwa niya gulay.” |
Wakas at Katapusan
Nakalahad dito ang kahihinatnan ng mga tauhan batay sa mga pangyayaring naganap.
“Laking tuwa ni Ampalaya dahil inisip niya na iyon lamang pala ang kabayaran sa ginawa niyang kasalanan. Ngunit makalipas ang ilang sandali ay nag iba ang kanyang anyo. Ang balat niya ay kumulubot dahil ang kinis at gaspang na taglay ni upo at kamatis ay nag-away sa loob ng kanyang katawan maging ang mga ibat-ibang lasa ng gulay ay naghatid ng di magandang panlasa sa kanya at pait ang idinulot nito, at ang kanyang kulay ay naging madilim.” |