Ang pangungusap o sentence sa Ingles ay ang lupon ng mga salita na nagpapahayag ng isang buong diwa o kumpletong kaisipan. Ang simuno ay ang bahagi ng pangungusap na pinag-uusapan, samantalang ang panaguri ay nagsasaad ng tungkol sa simuno.
Ang bawat pangungusap ay naglalaman ng kompletong diwa at kahulugan. Mahalaga ito sa pagpapahayag ng ating mga kaisipan at damdamin. Narito ang detalyadong pagtalakay sa iba’t ibang uri ng pangungusap at kanilang gamit.
Dalawang bahagi ng pangungusap
Simuno (subject)
Ito ang pinag-uusapan sa isang pangungusap.
Halimbawa:
1. Si Isabella ang aking matalik na kaibigan.
2. Nasa palaruan ang mga bata.
Panaguri (predicate)
Ito ang bahagi ng pangungusap kung saan tinutukoy nito ang simuno (kung ano ang tungkol dito o kung ano ang ginagawa nito).
Halimbawa:
1. Bumibili si Anton ng damit para sa kanyang ama.
2. Napagod sa paglalaba si Anne.
Uri ng pangungusap ayon sa gamit
- Pasalaysay (declarative) – nagsasalaysay o nagkukuwento ang mga pangungusap na pasalaysay. Nagtatapos sa tuldok (.) ang mga pangungusap na ito.
Halimbawa: Iba’t ibang kulay ang ibon sa aming lugar.
- Patanong (interrogative) – ang patanong ay ang mga pangungusap na nagtatanong. Tandang pananong (?) ang ginagamit sa hulihan nito.
Halimbawa: Saan maaaring mangitlog ang mga lamok?
- Pautos (imperative) – ang mga ito’y pangungusap na nag-uutos Ginagamitan ito ng bantas na tuldok (.)
Halimbawa: Gumawa ka na ng takdang-aralin mo.
- Pakiusap – ito ay tulad din ng nag-uutos subalit may halong pakiusap. Ito ay ginagamitan ng mga salitaang maaari ba, pwede ba, o katagang paki-. Sa tuldok o pananong din nagtatapos ang pangungusap na pakiusap.
Halimbawa: Pakisara naman ng pintuan, Leo.
- Padamdam (exclamatory) – nagsasaad ito ng matinding damdamin tulad ng takot, pagkagulat, galit, at iba pa. Ginagamitan naman ito ng bantas na padamdam (!)
Halimbawa: Naku! Nasusunog ang bahay!
Kayarian ng Pangungusap
Ang kayarian ng pangungusap ay tumutukoy sa pagkakabuo nito. Narito ang iba’t ibang kayarian:
Payak na Pangungusap
Ito ay pangungusap na binubuo ng isang buong diwa.
Halimbawa:
- Ang aso ay tumatahol.
Tambalang Pangungusap
Ito ay pangungusap na binubuo ng dalawang buong diwa na pinagsama gamit ang pangatnig.
Halimbawa:
- Kumakain si Maria at nag-aaral si Juan.
Hugnayang Pangungusap
Ito ay binubuo ng isang sugnay na makapag-iisa at isang sugnay na di makapag-iisa na pinag-uugnay ng pangatnig.
Halimbawa:
- Maganda ang panahon kaya’t nag-picnic kami.
Bahagi ng Pangungusap
Ang bawat bahagi ng pangungusap ay may sariling tungkulin, tulad ng pagbibigay-diin sa paksa o pagsasabi ng ginagawa nito.
Simuno o Paksa
Ang simuno o paksa ay tumutukoy sa bagay na pinag-uusapan sa loob ng pangungusap, gaya ng “Si Ana ay nag-aaral.”
Panaguri
Ang panaguri ay nagsasaad ng kilos o katangian ng simuno.
Pandiwa
Ang pandiwa ay salitang nagsasaad ng kilos o galaw. Mahalaga ito sa pagbibigay buhay sa pangungusap.
Pangatnig
Ito ang ginagamit upang pag-ugnayin ang dalawang diwa o sugnay.
Uri ng pangungusap ayon sa ayos
- Karaniwan – nasa karaniwang ayos ang pangungusap kung ang panaguri ay nauuna sa simuno.
Halimbawa:
Bumili ng bagong sasakyan si Juan.
Sasali sa paligsahan si Maria.
- Di-karaniwan – ang pangungusap ay nasa di-karaniwang ayos kung ang simuno ay nauuna sa panaguri.
Halimbawa:
Si Juan ay bumili ng bagong sasakyan.
Si Maria ay sasali sa paligsahan.
Pangungusap na Walang Paksa
May mga pangungusap na walang tiyak na simuno o paksa, ngunit buo pa rin ang diwang ipinapahiwatig.
Halimbawa:
- Mainit ngayon. (Nagsasaad ng kalagayan o panahong panandalian)
Ang pag-unawa sa mga bahagi at kaurian ng pangungusap ay hindi lamang nakakatulong sa mas malinaw na pagpapahayag, ngunit ito rin ay nagiging daan upang mas maintindihan natin ang wika at kulturang Pilipino. Ang pagkakaiba-iba ng kayarian, gamit, at uri ng pangungusap ay nagpapayaman sa ating pakikipagtalastasan. Sa pag-aaral ng mga konsepto na ito, mas magiging matalino tayo sa paggamit ng wika, at ito’y magreresulta sa mas epektibong komunikasyon sa kapwa.