Ano ang Karunungang Bayan?

|

Basahin at unawain kung ano ang karunungang bayan, halimbawa, uri, at kahalagahan nito sa ibaba.

Ano ang karunungang bayan

Ang karunungang bayan ay isang uri ng panitikan na nagpapahayag ng pangyayari, kaisipan, at tradisyon ng isang lipunan o pangkat. Sa karunungang bayan nakikita ang kagalingan ng mga may-akda sa iba’t ibang uri ng lipunan at at pagkamulat ng kaalamang tradisyunal.

Napapalaki ng karunungang bayan ang pagpapahalaga sa kultural na aspeto ng mga pangkat ng lipunan. Tanyag ang karunungang bayan sa dunong, aral, at kaisipan na ibinibilin nito sa mambabasa. 

Uri ng karunungang bayan

May pitong uri ng karunungang bayan:

  1. Salawikain—Isang matalinhagang pahayag na ginagamit ng mga matatanda upang turuan ang kabataan ng mabuting asal at pumuna ng mga masasamang gawain.
  2. Sawikain—Patalinhagang pananalita na nagbibigay ng mga salitang hindi literal ang ibig sabihin. Napapaisip nito ang mga mambabasa.
  3. Palaisipan—Mga tanong na nakapapagpapaisip sa tagaparinig. Kadalasan, ito ay mga suliraning dapat matugunan.
  4. Bugtong—Isang tanong na may taludtod, sukat, at tugma. Isa itong palaisipang inilalarawan ng mga bagay na dapat na hulain ng mga mambabasa.
  5. Bulong—Interaksyon sa kapaligiran na ginagamit ng mga mamamayan upang mailayo o mailigtas ang kanilang sarili sa kapahamakan.
  6. Kasabihan—Tulang pambata na may mababaw na kahulugan at kadalasa’y ginagamit upang punain ang isang aksyon o gawa na hindi kanais-nais.
  7. Kawikaan—Matalinhagang pahayag na maikukumpara sa salawikain. Ang kawikaa’y palaging nagbibigay ng aral sa buhay, habang ang salawikain naman ay minsa’y namumuna ng aksyon.

Kahalagahan ng karunungang bayan

Dulot ng pagsakop ng iba’t ibang mga bansa, napakarami nang dayuhang kultura ang naitatag at nagagamit sa Pilipinas. Napakahalaga ng karunungang bayan sapagkat isa ito sa mga panitikang sumisimbolo sa ating pagkakakilanlan.

Ito ay tumatangi sa atin bilang mga Pilipino, sapagkat ito ay isang kulturang hindi impluwensiya ng dayuhan. Sa pagdadagdag, ang mga karunungang bayan ay nagbibigay kaalaman at nagtuturo ng kabutihang asal sa kabataan. Nalilinang nito ang kritikal na pag-iisp ng mga mambabasa.

karunungang-bayan-halimbawa

Halimbawa ng karunungang bayan

Ang mga halimbawa ng karunungang bayan ayon sa uri nito ay ang mga sumusunod:

  1. Salawikain: Kapag may isinuksok, may madudukot.
  2. Sawikain: Tengang kawali.
  3. Palaisipan: May tatlong kalabaw sa bukirin. Tumalon ang isa. Ilan ang natira? (sagot: tatlo parin; hindi ito umalis, tumalon lang ito).
  4. Bugtong: Hindi hari, hindi pari, ngunit ang damit ay sari-sari (sagot: sampayan).
  5. Bulong: “Tabi tabi po, makikiraan po!” Sa mga lugar na may punso.
  6. Kasabihan: Hoy, batang duwag, putak ka nang putak! Matapang ka lamang at ikaw ay na sa pugad.
  7. Kawikaan: Ang taong mayroong tiyaga, anuman ay kanyang magagawa. 

Sanggunian

Ramos, M. S. (1984). Panitikang Pilipino. Katha Publishing Company.

Tandang, D. (2018). Filipino: Baitang 8 Yunit 1-Mga karunungang bayan. Retrieved from Academia.edu:academia.edu/40115940/Filipino-Baitang-8-Yunit-1-Mga-karunungang-bayan

Yu, R. T. (2011). Panitikang pambata, edukasyon, at konsepto ng bata: Mga palaisipan at panukala. Humanities Diliman: A Philippine Journal of Humanities.

+1
7
+1
4
+1
0
+1
2
+1
2
+1
4
+1
2
Follow by Email