Alamat ng Kwintas

|

Basahin ang halimbawa ng maikling kwento na ‘Alamat ng Kwintas‘ sa ibaba. Mayroon din kaming ginawang larawan para sa halimbawa ng alamat na ito.


Alamat ng Kwintas

Noong unang panahon, may isang pamilya ng mangangalakal. Mayroon silang isang anak na babae. Yumaman ang mag-asawa dahil sa sipag at tiyaga.

Madalas umaalis ang mag-asawa para maghanap buhay. Linggo, minsan buwan ang inaabot ng kanilang paglalakbay.

Sa tuwina ay naiiwan ang anak nila sa poder ng kanilang pinagkakatiwalaang mga tao. Kung hindi kasambahay ay mga kapwa negosyante na nagbabakasyon din.

Regalo ang madalas dala ng mga magulang ng bata para punan ang kanilang pagkukulang. Una’y isang tuta. Pangalawa ay mga naggagandahang damit. Pangatlo ay mga hiyas na kumikinang at marami pang iba.

Napalitan ng lungkot ang sayang nararamdaman ng bata sa bawat regalong natatanggap niya mula sa magulang. Napagtanto niya kahit anong gawin niya ay mananatili ng ganoon ang sitwasyon niya, laging iniiwan.

Isang araw, malungkot na malungkot na nagpaalam ang bata sa kanyang mga magulang. Nang nakaalis na ang mga ito, pumunta siya sa pook dasalan.

Hiniling niya na sana ay maging bagay na lamang siya na maaring dalhin ng kanyang mga magulang. Mas mahalaga kasi ang mga materyal na bagay sa kanila.

Nagpakita ang isang diwata sa bata. Tinanong nito kung anong klaseng bagay iyon.

“Hindi ko alam, mahal na diwata. Siguro, isang makinang na bagay dahil mahilig ng ganoon ang aking mga magulang,” sagot ng bata habang tumutulo ang mga luha niya.

Napansin ng diwata ang hugis diyamanteng luha niya. Ngumiti ang diwata at iwinasiwas nito ang kamay. Sa isang iglap, naging isang makinang bagay ang bata. Pahaba iyon.

Muli, umuwi ang mga magulang ng bata subalit walang anak na sumalubong sa kanila. Ang naabutan nila ay ang alagang aso ng kanilang anak. May tangan itong mahabang bagay, tila tali at makinang.

Kinuha ng ginang ang tangan ng aso. Nagulat siya ng makitang purong diyamante at ang pinakagitna ay hugis pusong rubi. Ang saraduhan ay pilak na hugis kamay na maliit.

Dinalaw sila sa panaginip ng diwatang nagbigay katuparan sa hiling ng kanilang anak. Nagising ang mag-asawa at lubos na nalungkot sa kanilang nalaman.

Nagsisisi sila kung bakit pinabayaan nila ang kaisa-isa nilang supling. Mula noon, laging suot ng ginang ang kwintas upang maalala nilang dalawa ang kanilang pagkakamali at ipakitang mahalaga sa kanila ang anak.

Mula sa: PinoyAlamat

Panuorin din ang ginawang video ng mga kabataan tungkol sa Alamat ng Kwintas dito:

Buod ng Alamat ng Kwintas

May isang mag-asawa noon na yumaman at umahon mula sa hirap. Upang mapanatili ang yaman ay palagi umaalis ang mga ito, dahilan kung bakit palaging nag-iisa at malungkot ang kanilang natatanging anak. Sa mata mg mga magulang ay mapupunan ng mga bagay ang pagmamahal na ipinagkait nila kung kaya’t sa tuwing magbabalik ay reregaluhan nila ito ng mga gamit. Lungkot na lungkot ang bata.

Isang araw matapos umalis ang mag-asawa ay nagtungo ang bata sa dasalan. Ninais nito na maging isang bagay na lamang upang laging kasama ang mga magulang. Narinig naman ito ng diwata at ginawa itong isang makinang na bagay na puno ng diamante. Ito ang pinakaunang kwintas. Labis na nalungkot ang mga magulang sa nalaman, sising sisi sa ginawa.

Aral ng Alamat ng Kwintas

Pahalagan ang mga mahal sa buhay habang sila ay buhay pa. Hindi mo alam kung kailan sila mawawala.


Basahin ang iba pang mga alamat dito.

+1
4
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0
+1
0
Follow by Email