Ang aking Ina
Gaya rin ng iba, ang ina kong giliw
Ay inang mayumi’t lubhang maramdamin,
Inang hindi yuko sa mga hilahil,
Inang mapagbata at siya kong virgen.
Mayrong isang Diyos na kinikilala,
May isang dakilang pananampalataya,
Sa kanya ang madla’y kulay ng umaga,
Ang galit ay awa’t sa poot ay tawa.
Siya ang dakilang Batas sa tahanan,
Kamay na masipag, Kampana ng buhay,
Susi ng pag-ibig na kagalanggalang.
Sa kanya ang lahat ay pawang mabuti,
Ang dukha’t mayaman ay kapuripuri
Palibhasa’y inang may puso’t pagkasi.
Pag-ibig ni Ina
Ang puso ni ina’y kaban ng paglingap,
May dalawang tibok na karapat-dapat,
Ang isa’y kay ama, kay amang mapalad
At ang isa nama’y sa amin nalagak.
Noong nabubuhay ang ina kong irog
Ang kanyang pagkasi’y samyo ng kampupot,
Ang lakas ng puso’y parang nag-uutos
Na ako, kaylan ma’y huwag matatakot…
Pagibig ni ina ang siyang yumari
Ng magandang bahay na kahilihili,
At nawag sa palad na katangitangi.
Timtimang umirog! Hanggang sa libinga’y
Dala ang pagkasing malinis, dalisay,
Dala ang damdaming kabanalbanalan.
Ang halik ni Ina
Ang mata ni ina’y bukalan ng luha
Kung may dala-dalang damdamin at awa,
Ang lahi ni ina’y sampagang sariwa
Na may laging laang halik at kalinga.
Sa halik ni Ina ay doon nalagas
Ang tinik at bulo ng musmos kong palad,
Sa halik ni ina’y aking napagmalas
Na ako’y _tao_ na’t dapat makilamas.
Ang bibig ni inang bibig ng sampaga’y
Bibig na sinipi kina Clara’t Sisa
Kaya’t mayrong bisang kahalihalina.
Ang halik ng ina’y apoy sa pagsuyo,
Hamog sa bulaklak, Pag-asa sa puso’t
Liwanag sa mga isipang malabo.
Ugali ni Ina
Kung mamamana ko lamang ang ugali
Ni inang sa aki’y nagpala’t nag-ari’y
Marami sa akin ang mananaghili’t
Sa aki’y tatanga lamang yaong Hari.
Ang asal ni ina’y aklat ng paglingap,
Salaming malinaw, bangong walang kupas,
Suhay ng mahinhin, sulo ng mapalad,
Mundong walang gabi, gabi ng walang ulap.
Ang salitang damot ay di kakilala,
Ang kamay ay lahad, hanggang nakakaya’t
Tanging kayamanan ang pakikisama.
Sa kanya ay Diyos ang mga pulubi,
Ang dukha ay Hari’t Kristo ang duhagi,
Iyan ang ugali ng ina kong kasi.
Ang awit ni Ina
Nang buhay si ina’t ako’y kilik-kilik
ako’y pinagsawa sa alo at awit,
malaki na ako’t may sapat ng isip
ay inaalo pa nang buong pag-ibig.
Ang musmos na patak ng nulo kong luha
sa kanya’y kundima’t awiting dakila,
makarinig lamang ng iyak ng bata
sa aki’y lalapit at maguusisa.
Ako’y kakalungin at ipaghehele,
ang awit-tagalog ay mamamayani
hanggang sa magsawa’t ako’y mapabuti.
Ang awit ni ina’y laging yumayakap,
sa mga awitin ng aking panulat
kaya’t ang awit ko’y mayumi’t banayad.
Libingan ni Ina
Ang buhay ng tao’y parang isang araw
Na kung mayrong bago’y mayrong nangangalay,
Ang palad ni ina’y di na nakalaban
Kaya’t napatalo sa tawag ng hukay.
Ang buhay ni inang inutang sa lupa’y
Sa lupa rin namang nabayad na kusa,
Ang mga mata kong maramot sa luha
Noo’y naging dagat na kahangahanga.
Wala na si ina! Ang lahat sa amin
Ay ngiti ng dusa’t kaway ng hilahil,
Lubog na ang araw na kagiliwgiliw.
Nagtaglay si ina ng dalawang hukay:
Ang isa’y sa lupang sanglaan ng buhay,
Ang isa’y sa aking pusong gumagalang.
Ang aral ni Ina
Ang tanging pamanang sa aki’y naiwan
Ay malaking gusi ng mayamang aral:
–Anak ko: hanapin iyang karunungan,
Ang dunong ay pilak, ang aklat ay buhay.
–Sa harap ng bait, ay silaw ang lakas,
Sa harap ng matwid ay yuko ang lahat,
Ang mundo’y niyari ng paham at pantas,
Ang babae’y tinik ng isang bulaklak.
–Ang palalong tao’y halakhak ng hangin,
Ang aping mabait ay dapat lingapin
At pagkailagan iyang sinungaling.
–Huwag kakayahin ang hindi mo kaya,
Nang ikaw’y malayo sa pula at tawa,
Umibig sa baya’t magpakabait ka”.
Bulaklak kay Ina
Wala na si ina! Gayon ma’y naiwan
sa akin ang kanyang mahalagang aral,
aral na sa ningning ay ningning ng araw,
aral na sa buti’y palad, diwa’t yaman.
Larawang larawan lamang ang nalagak
sa akin ng siya’y pumanaw at sukat,
larawan ni inang yaman ng panulat,
larawang kakambal ng aking pangarap.
Darakilang ina: ang iyong libinga’y
sinasabugan ko ng tala’t kundiman,
ng awit na siyang bulaklak ng buhay.
Sa harap ng iyong larawang dakila
ay may nagniningas na isang kandila
panulat ng iyong anak na naluha.
Ang mga halimbawa ng tula tungkol sa ina na nakalagda ay nagmula sa Ang Album ni Ina na nilikha ni Pascual De Leon para sa kanyang ina na si Rosa San Miguel de Leon, taga Samal, Bataan