Ang kahirapan ay ang hindi pagkakaroon ng sapat na pag-aari o pera na kinakailangan para matustusan ang mga pang araw-araw na gastusin.
Ang kadalasang tinatawag na mga mahihirap ay mga taong walang kakayanang bumili ng sapat na pagkain para sa buong pamilya, kaunti o sira ang mga damit, walang maayos na tirahan, at naghihikahos upang magampanan ang kanilang tungkulin bilang anak, magulang, o mabuting myembro ng lipunan.
Basahin ang mga halimbawa ng tula tungkol sa kahirapan sa ibaba.
Kung nais mong magsumite ng sarili mong tula tungkol sa kahirapan, makipag-ugnayan sa amin dito.
Hinagpis
I.
  Hindi ka na bago! Dati mo ng alam
ang hindi pag-imik kung naguulayaw;
ako’y pinipipi ng aking paggalang,
ng aking pagsuyong mataos, dalisay.
II.
Pinunit sa harap upang makilala
ang alab ng aking sinimpang pag-sinta,
diyan masusubok ang mithi ko’t pita,
diyan masisinag ang luksang pag-asa.
III.
Wala ka ngang sala…! Ang kurus ng hirap
ay dapat matirik sa dusta kong palad!
Ako ang pulubing sa tinawag-tawag
ay lalong inapi… binigyang bagabag…!
IV.
Di ko akalaing ang langit ng puso
ay mangungulimlim… biglang maglalaho,
di ko akalaing sa likod ng samyo
ng mga sampaga’y may lihim na suro…!
V.
Animo’y nagtikom sa gayong sandali
ang pintong maramot ng awa’t lwalhati,
sa aki’y para nang ang kahilihiling
sinag ng ligaya’y lumubog, napawi…!
VI.
Ngayo’y pamuli pang umaawit-awit
sa dilag mong kimkim, gandang maka-Langit,
kung may alinlangan sa taghoy, sa hibik,
ay maging saksi pa ang aking hinagpis.
Dalamhati
I.
Aninong malungkot noong kahirapan
ang buhay ng tao sa Sangsinukuban,
ang tuwa’t ligaya’y hinihiram lamang
kaya’t ulap waring dagling napaparam.
II.
Ang mabuhay dito’y kapangápanganib
sa munting paghakbang ay silo ng sakit,
umiibig ka na ng buong pagibig
ay ayaw pang dinggin ¡ay himalang langit!
III.
Hindi ka tatamo ng bahagyang galak
kundi pa matulog at saka mangarap,
gayon man, kung minsa’y paos na nanawag
sa pagkakahimbing ang tinig ng hirap.
IV.
Sa paminsanminsan, sa aking gunita
mga pagsisisi yaong tumutudla.
Bakit pa lumaki’t natutong humanga’t
ang paghanga pala’y kapatid ng luha?
Ang hamak na palad
Aywan ko kung ikaw’y magtaglay pang awa
sa nagsisi ko nang lakad at akala,
aywan ko kung ikaw’y kulang pang tiwala
sa mga nasayang at natak kong luha.
Kung natatalos mo ang luhang nasayang
sa mata ko’t pusong laging naglalamay,
sana’y nasabi mong mayrong katunayan
ang dinaranas kong mga kahirapan.
Ang hinanakit mo, sumbat at paglait
ay pawang nakintal sa dila ko’t isip,
at ang ating lihim sa silong ng langit
ay siyang sa aki’y nakakaligalig.
Pinag-aralan kong ikaw’y kausapin
nang upang ihayag ang buo kong lihim,
lihim ng sa wari’y nagbigay hilahil
sa napakabatang puso mo’t paggiliw.
Ang pagtatapat ko’y di mo minarapat
ang kawikaan mo, ako’y isang hamak,
ang naging ganti mo sa aking paglingap
ay isang  libingan  at  krus  ng hirap.
Ang hamak nga nama’y hindi naaayos
umibig sa isang Reyna ng Kampupot,
ang  hamak  na palad ay dapat umirog
sa kaisa niyang  hamak  di’t  busabos .
Maaari kayang ang isang  granada’y
maihulog sa di gusto ng  princesa?
maaari kayang ang isang sampaga’y
makuha at sukat ng taong bala na?
Kay laki ng agwat ng palad ta’t uri,
ikaw’y isang langit na kahilihili
at ako ay isang hamak na pusali,
ikaw ay sariwa at ako’y unsyami.
Ang panghihinayang ang siyang nagtulak
na kita’y mahalin ng buo kong palad.
Ang panghihinayang ang siyang nagatas
na kita’y itala sa aking pangarap.
Kung ikaw sa akin ay walang hinayang
sa aki’y sayang ka at sayang na tunay,
sabihin na akong kasakimsakiman
at ikaw sa iba’y di mapapayagan.
Lalo pang mabuting kanin ka ng lupa
kay sa mahulog ka sa ibang binata,
 Iba pa ang iyong bibigyang biyaya
gayong ako’y uhaw sa iyong kalinga…?
Ipinipilit mong tayo’y pupulaan
kung sa lihim nati’y mayrong makamalay,
at sinong pangahas ang pagsasabihan.
nitong ating lihim sa sangkatauhan?
Ako’y nagsisisi’t nabigyang bagabag
na naman ang iyong tahimik na palad,
kundanga’y ang iyong bangong walang kupas
sa pagiisa ko’y siyang nasasagap!
Sa kahilingan mo, kita’y lilimutin
kahit nalalaban sa aking damdamin,
nguni’t ang samo ko’y iyong idalangin
ang papanaw ko nang ulilang paggiliw.